Wangwang at sobra-sobrang bodyguard

By

Muling pinaalalahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kapwa niya opisyal ng gobyerno laban sa paggamit ng wangwang o sirena kapag bumibiyahe.

Mula kasi nang mawala sa poder si dating­ Pa­ngulong Noynoy Aquino na nagbawal sa paggamit ng wangwang ay nag­lipana na naman ang gumagamit ng wangwang.

Nagkalat na naman ang mga traffic enforcers na nag-i-escort sa mga magagarang mga sasakyan sa gitna ng trapik.

Nakakapikon talaga ang ganitong istilo ng mga abusadong pulitiko at minsan ay mga kaanak lamang ng mga pulitiko na akala mo ay nabili nila ang kalsada para walang dapat na makaabala sa kanila habang bumibiyahe.

Mabuti na lang at napansin ni Pangulong Duterte ang muling pamamayagpag ng mga gumagamit ng wangwang para matigil na ang mga ito.

Ang akala yata ng mga nagsisiga-sigaang mga pulitiko at kanilang mga alipores ay porke tapos na ang termino ni PNoy na unang nagbawal sa paggamit ng wangwang ay maaari na nilang ipagpatuloy ang kanilang pagkaabusado.

Sorry kayo dahil hindi bulag at bingi ang Pangulo sa ginagawa ninyong pag-abuso.

Napaka-unfair naman ng inyong ginagawa dahil ang haba-haba ng traffic pero pagdating ninyo dahil may escort kayong­ hagad at may wangwang ang inyong mga sasakyan ay pauunahin kayo ­gayong kitang-kita namang papasok lamang kayo sa mamahaling hotel sa Edsa.

Baka nga makikipag-date lang kayo at late lamang sa inyong lakad kaya nagmamadali ka­yong makarating sa inyong patutunguhan kaya super wangwang.

Pero ang mga ordinaryong mamamayan na halos maubos na ang oras sa pagbibiyahe ay walang magawa dahil tukod ang mga sasakyan dala ng sobrang trapik.

Kaya huwag namang abuso ang mga pulitiko at maimpluwensiyang mga negosyante na porke may kakayahan kayong manlamang ay gagawa kayo ng mga bagay na ikagiginhawa ninyo pero marami kayong nasasagasaan.

***

Sa usapin naman ng bodyguards, mismong ang Pangulo ang nagsabing mayroon siyang mga naitalagang opisyal na abusado talaga na kung magbitbit ng bodyguards ay sandamakmak.

Pero hindi ito ang nakuwestyon dahil mayroong 16 bodyguards na si SBMA Chairman Martin Diño.

Pero depensa ni Diño nadatnan na niya ang ganu’ng sistema. Ibig sabihin, minana lamang niya ang sandamakmak na bodyguards na mayroon ngayon ang SBMA.

Kung ganito talaga ang kalakaran sa SBMA, exempted ba dapat ito sa direktiba ni Pangulong Duterte na tig-iisa o dalawang bodyguard lamang dapat ang mga opisyal o pulitiko natin?

Abangan natin ang mga susunod na kaganapan kung tatalima sa direktiba ng Pangulo na bawas bodyguard ang kanyang mga alipores.