Abante Tonite Interactive

Walang hacking sa BDO at BPI — Senado

By
15

Wala umanong naganap na hacking sa system ng dalawang higanteng bangko sa bansa sa mga nakalipas na linggo ayon sa inisyal na resulta ng isinagawang imbestigasyon ng Senate committee on banks, financial ins­titutions and currencies.

“It’s clearly not hacking,” wika ni Sen. Francis Escudero matapos ang pagdinig ng komiteng kanyang pinamumunuan.

Sa kaso ng BDO Unibank Inc., ‘skimming’ ang dahilan nang pagkawala ng deposito ng ilan nilang parukyano kamakailan kung saan pitong ATM machines ang tinira sa tatlong lokasyon sa bansa.

Ang skimming ay ang pagnanakaw ng mga impormasyon sa isang debit­ card o credit card. Ginagawa ito ng mga sindikato para ilegal na magamit ang ATM at credit card na hindi agad nalalaman ng cardholders. Problema ito hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.

Naglabas na ng regulasyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung saan inuutusan ang mga bangko na palitan ang ATM at credit card ng kanilang parukyano at lagyan ng EMV chip bilang pangontra sa skimming.

Mapapatawan ng pe­nalties ang mga bangko kung hindi nila ito magagawa hanggang sa deadline sa Hunyo 30, 2018.

Sinabi pa ni Escudero na base sa regulasyon ng BSP, obligasyon din ng mga bangko na ibalik ang perang nawala sa isang depositor na nabiktima ng skimming.

Inamin naman sa pagdinig ng executive ng Bank of the Philippine Islands (BPI) na ‘human error’ ang naging sanhi ng ‘system glitch’ noong Hunyo 6, 2017 kung saan nakaranas ng sinasabing ‘dagdag-bawas’ sa kanilang account ang kanilang mga kliyente.

Ayon kay Ramon Locsin Jocson, head ng Enterprise Services Group ng BPI, nagkamali ang kanilang programmer dahil imbes na pindutin ang transaction report noong Mayo 26-29, ang petsang Abril 27 hanggang May 2 ang ginawa kung kaya’t nagkaroon ng double posting ng deposit at withdrawal.

Ang BDO ang pinakamalaking bangko sa bansa habang ang BPI ay ikatlo naman.