Wala pang nasawi sa Dengvaxia – DepEd

By

Walang pang namo-monitor ang Department of Education (DepEd) na nagkasakit o kaya’y nasawing estud­yante na naturukan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, wala pa silang natatanggap na report na masasamang ulat mula sa mga mag-aaral na nabakunahan kontra sa sakit na dengue.

Matatandaang una nang inamin ng Sanofi Pasteur na kauna-u­n­ahang dengue vaccine sa buong mundo na ligtas at nakapagbibigay ng proteksyon kung ituturok sa mga taong dati nang dinapuan ng dengue ngunit maaari namang magdulot ng mas malalang dengue infection kung ibibigay sa mga taong hindi pa tinamaan ng naturang sakit.

Ipinatigil na rin ng Department of Health (DOH) ang progra­mang pagbibigay ng dengue vaccine sa mga mag-aaral kasunod ng inilabas na bagong analysis ng Sanofi Pasteur sa Dengvaxia.

Sa ngayon ay patuloy­ ang ginagawang moni­toring ng DepEd sa mga batang mag-aaral sa mga pampulikong paaralan­ na naturukan ng Dengvaxia.

Umani ng batikos ang P3.5 bilyong proyektong ito ng pamahalaan dahil sa kinasasangkutan na kontrobersya na tila pinagpraktisan ang mga mag-aaral.

Sa talaan ng DepEd nasa 733,000 kabataan­ estudyante ang nabigyan ng bakuha mula sa National Capital Region (NCR) Region 3 at Region IV-A, bukod pa ang mahigit 2,000 pulis sa Quezon at kanilang pamilya na nag-avail sa free vaccine na Dengvaxia.

Pinapirma pa sa isang waiver ang magulang ng mga estudyante na tila pinagpraktisan sa isang bagong gamot.

Marami sa mga magulang ng mga estud­yante na nabakunahan ang nagpahayag na ng pangamba at pagkabahala hinggil Dengva­xia vaccine.