Wagi sa tong-its pinatay

By

Patay ang isang construction worker nang saksakin ng kanyang katrabaho na natalo sa sugal na tong-its kamakalawa sa Makati City.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center (MMC) ang biktimang si Dante Molinas, 41, tubong Baybay, Leyte, na naka-barracks sa 7680 J.B. Roxas St., Brgy. Olympia ng naturang ­siyudad. Nagtamo ito ng ilang saksak sa katawan.

Nakakulong naman sa Makati City Police detention facility ang suspek na si Marciano Ayag Jr., 35, kababayan ng biktima at nanunuluyan din sa natu­rang lugar.

Sa pagsisiyasat ni Homicide investigator, SPO1 Arnel Noriega, naganap ang insidente ala-una ng hapon sa kanilang barracks.

Bago ang pananaksak, naglaro muna umano ng tong-its noong Sabado ang dalawa at sa halip na pera ang pusta nila ay ang alak na Red Horse. Pero tinalo ng biktima ang suspek.

Kinabukasan ng hapon habang natutulog ang biktima ay nilapitan ito ng suspek at inundayan ng ilang saksak.