‘Wag gawing sawsawan ang ‘Dengvaxia’

By

Gaya ng inaasahan,­ may mga grupong parang lamok na nakaamoy ng masisipsip na dugo sa kontrobersiya tungkol sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia. Ito’y kahit pa batid nila na maaari silang makapagdulot ng maling impormasyon at mas ma­tinding takot sa mga magulang ng mga batang nabakunahan ng gamot.

Mula nang lumabas ang abiso ng pharmaceutical company na Sanofi­ Pasteur, ang may gawa ng Dengvaxia, noong nakaraang linggo tungkol sa ‘severe diseases’ na posibleng maging side effect ng gamot sa mga nabakunahan na hindi pa nagka-dengue, aba’y tiyak na maraming magulang na ang nabahala.

Pero nitong Lunes, mismong ang Malacañang, Department of Health at Sanofi na ang nagsabi na hindi naman talaga dapat magdulot ng panic ang abiso noong nakaraang linggo dahil lumalabas na hindi naman ‘deadly’ ang inilara­wan na ‘severe disease’ na sinasabi sa abiso ng kompanya.

Lumilitaw na kung magkaroon man ng side effect ang Dengvaxia sa mga nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue, maaaring magdulot ito ng pasa sa katawan kapag nabunggo, magkaroon ng pagdurugo sa ilong kapag nainitan, o pagbaba ng platelet count, na karaniwan din naman kapag tinamaan ng dengue.

At sa mahigit 700,000 bata na nabakunahan, tinatayang nasa 10 porsiyento ang pinaniniwalaan na hindi pa nagkaka-dengue. Posible raw kasi na ang iba ay nagka-dengue na pero hindi lang nila alam dahil maaaring­ gumaling kaagad sila bunga ng malakas na anti-bodies sa kanilang katawan para kontrahin ang dengue virus.

Ngunit sa totoo lang, malalaman lang talaga natin kung ano ang pinakamatinding masamang epekto ng Dengvaxia sa mga nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue ay kapag lumipas na ang 30 buwan mula nang maiturok ang gamot. At dahil kalagitnaan ng 2016 isinagawa ang anti-dengue vaccine program, may isang kalahating taon pa tayong hihintayin.

Pero sana lang, totoo at tama ang pampapawi ng pangamba ng Malacañang, DOH at Sanofi, na hindi magdudulot ng nakakamatay na side effect ng gamot sa mga naturukan na hindi pa nagkaka-dengue. May mga lumabas kasing ulat noong panahon na pinagtatalunan pa ang planong paggamit sa Dengvaxia tungkol sa tinatawag na phenomenon­ na ‘ADE’ o antibody-dependent enhancement, o matinding balik ng virus na maaaring magdulot ng kamatayan.

Mayroon pang nagsabing tatlong bata raw sa Bataan ang namatay na pinaniniwalaang dahil sa pagbakuna ng Dengva­xia. Pero ang sabi ng Sanofi, sinuri na ito noon ng independent body ay iba raw ang lumabas na dahilan ng pagkamatay ng tatlong bata.

Bukod diyan, kinaladkad na naman ang pangalan ni dating Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino­ sa kontrobersiya na isasama raw sa imbestigasyon kahit pa ang da­ting pamunuan ng DOH ang namamahala sa programa. At tungkol naman sa presyo ng gamot na mas mahal daw kumpara­ sa iba, dapat yatang alamin muna kung ilan ang dami ng gamot na binili­ ng bansang pinagkukumparahan.

Malamang na may mga kritiko ng nagdaang administrasyong Aquino ang natutuwa sa nangyayaring kontrobersiya sa anti-dengue program, pero sana naman eh huwag nilang ipagdasal na may mga batang mapapahamak. At hindi rin sila dapat magpakalat ng mga maling impormasyon na magdudulot pa lalo ng pagkabahala sa mga magulang ng mga bata. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)