VP Leni na-inspire sa mga OFWs sa HK

By

Personal na nagtungo sa Hong Kong si Vice President Leni Robredo para mag-interview ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para sa kanyang programa sa radyo.

Sa BISErbisyong Leni program kahapon sa RMN Manila, nasa Hong Kong si Robredo para makausap nang personal at ma-interview na rin ang mga OFWs dito na may magagandang kuwento.

“Nandito ako sa Hong Kong, kahapon (Sabado) hanggang ngayon (Linggo), kasama ko ‘yung ating kababayan. Nag-i-interview tayo ng mga OFWs na kababayan natin na puwedeng i-feature iyung kuwento nila sa Istorya ng Pag-asa,” ani Robredo.

Ayon sa Bise Presidente, maraming kuwento umano ang mga OFWs na puwedeng gawing inspirasyon ng mga Filipino na nasa bansa.

“Sabi ko maghahanap lang ako ng tatlo pero parang napakarami iyong mga kuwento ng mga struggles nila na nagtatrabaho sa ibang bansa. Talagang nagbunga ng napa­kaganda na hindi lang para sa sarili nila pero para sa pamilya nila,” ayon pa kay Robredo.

Dapat isang araw lang umano ang biyahe ni Robredo sa Hong Kong subalit nagpasya ito na mag-extend ng isang araw pa dahil nakakalabas ang mga OFWs tuwing araw ng Linggo.

“At tuwang-tuwa sila. Tuwang-tuwa na nabigyan sila ng pagkakataon at tingin ko, ‘yung mga kanilang kuwento tala­gang kabayanihan, iyong pinagdadaanan nilang kahirapan ay hindi talaga matatawaran,” ayon pa kay Robredo.

Ikinatuwa rin ng Bise Presidente ang pagkakaroon na ng OFW ID o ang tinatawag na iDOLE dahil mababawasan umano ang prosesong pinagdadaanan ng mga ito bago makaalis ng bansa para maghanapbuhay sa ibang nasyon.