Vilma, tumangging mag-judge

VP Leni, umiwas kay Mocha

By

MORE and more ang mga pagbabago sa MMFF 2016 na in-announce ng Executive Committee.

Ang MMDA Chairman na si Tim Orbos ang nag-announce ng bagong route ng Parade of Stars sa December 23.

Nakaugalian na nating maghintay sa Roxas Bou­levard tuwing parada, pero ngayong taon ay mababago na.

Ang bagong ruta – magsisimula sa Manila City Hall malapit sa Liwasang Bonifacio, kakanan ng Taft Avenue, diretso ng Jones Bridge, patungong Quintin Paredes sa may Chinatown, diretso ng Reina Regente Street, kakanan ng ­Recto ­Avenue, kakaliwa ng Rizal Avenue (Avenida), kakanan ng Fugoso Street, kakanan ng Quezon Boulevard at magtatapos sa ­Plaza Miranda.

Sponsored ng Lungsod ng Maynila ang na­turang parada sa tulong ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.

“Babalikan lang natin ang roots natin,” ­bahagi ng pahayag ni Chairman Orbos.

Kasama sa humarap sa press ang FDCP Chairman na si Liza Diño at in-announce niya na magbibigay raw ng 30% discount sa mga estudyante, senior citizen at PWD (Person With Disability).

***

mocha uson
Mocha Uson

Dumating doon si Mocha na isa pala sa mga piniling Ambassadress of MMFF na tutulong sa pag-promote nito.

Bukod kay Mocha, inimbitahan din si DepEd Secretary Prof. Leonor Briones at Vice President Leni Robredo.

Nagbigay sila ng suporta sa MMFF 2016, pero hindi na dumalo sa grand presscon si VP Leni.

Inaasahan kasing magkikita sana doon sina Mocha at VP Leni. Sabi ni Mocha, kahit magkakaiba ng pananaw sa pulitika, magkakaisa ng hangarin para sa ating movie industry.

Sabi niya sa kanyang speech, “Hindi man kami pareho ng paniniwala sa ibang bagay, but we have to follow the common ground to pursue the common goal.

“That’s why I am here to give my full support sa pagbabago ng MMFF 2016.”

***

Vilma Santos
Vilma Santos

Usap-usapan doon na isa sana sa uupong hurado ay ang Congresswo­man ng Lipa na si Vilma Santos.

Narinig lang namin doon na inimbitahan siyang mag-judge pero tumanggi ito.

Ayaw nilang kumpirmahin, pero tila umiiwas si Cong. Vi na maintriga dahil may entry ang kumare niyang si Nora Aunor.

Ang ilan sa mga taga-showbiz na uupong hurado ay sina John Lloyd Cruz, Mr. Johnny Revilla at direk Antoinette Jadaone.

Kabilang din sa mga hurado si Fr. Tito Caluag na kilalang close sa mag-asawang Ryan Agoncillo at Judy Ann Santos.

Nagkaintriga sa naturang presscon nang tinanong si Nora tungkol sa pelikulang Oro na kasali sana siya.

Nilinaw ni Nora na hindi siya tumanggi sa project dahil gustung-gusto niya itong gawin.

“Hindi ako tumanggi. Tinanggal ako,” ­diretso niyang pahayag sa open forum.

Nandoon din ang direktor ng Oro na si Alvin Yapan at ang mga artista nito. Si Irma Adlawan ang ipinalit sa role na dapat para kay Ate Guy.

Medyo sarcastic ang tono ng ­pagsasalita ni Nora na hindi siya galit, bakit hindi napunta sa kanya ang naturang proyekto.

“Hindi ako galit. Isang araw ako nag-shooting sa Bicol, tapos pinabalik na kami ng Manila.

“Tapos nu’n, hindi na ako tinawagan. Hindi ako galit,” pahayag ni Nora.

Hindi nag-react si direk Alvin pagkatapos ng sinabi ni Nora. Ayaw na lang niyang sagutin pa ito.

Pero sa mga pagtatanong namin, hindi na raw talaga nila itinuloy si Nora sa Oro dahil nang bumalik daw ito ng Maynila, nagpadagdag daw ito ng talent fee bago siya bumalik ng shooting sa Camsur.

Hindi na kinaya ng producer, kaya hindi na nila tinawagan si Nora.

Pinalitan na lang ito ni Irma.

Nilinaw ni Nora na out sa isyung iyun si Irma dahil kinuha lang ito sa project na iyun.
Hindi niya ito sinulot kay Ate Guy.