Vilma, mas gustong magbiyahe kesa mag-renewal of vows

By

MASAYANG naki­pagtsikahan si Cong. Vilma Santos sa ilang miyembro ng press nang dumalo ito sa Christmas party ng fans club niya sa Tramway-Roxas Boulevard nu’ng Biyernes.

Iniwasan ni Cong. Vi na pag-usapan ang pag-imbita sa kanya ng MMFF 2016 na mag-judge sa walong pelikulang kalahok.

Wala raw pormal na imbitasyon, although may mga nagparating sa kanya na isasama sana siya sa hanay ng mga hurado.

Pero hindi raw kakayanin sa schedule niya kaya tumanggi na ito.

Sabi ng ilang sour­ces namin, isa sa iniisip ng Star for All Seasons ang entry ni Nora Aunor.

Baka mahaluan lang ng intriga kapag umupo siyang isa sa mga hurado. Kaya nag-beg off na lang daw siya.

Nagpahayag si Cong. Vi ng suporta sa ngayong taong MMFF.

Kung pawang indie films ang napili sa MMFF, wala raw kaso ‘yun, sabi ni Gov. Vi.

Karapatan din daw ng producers ng indie films na maipalabas ang kanilang mga pelikula.

“Lahat naman, may karapatan na ipakita ang kanilang produkto at panahon ng indie films ngayon. Kaya lang, kapag MMFF, Pasko, mga bata, pamilya.

“Pero ‘yung pagpapalabas ng indie film, who are we to say NO? Karapatan nila ‘yun, eh,” pahayag ng actress/politician.

Ibinahagi rin ni Cong. Vi ang plano nila ni Sen. Ralph Recto sa kanilang wedding anniversary sa 2017.

Magsi-celebrate na sila ng kanilang silver wedding anniversary at pinapili siya ni Sen. Ralph kung type nitong magbiyahe sila sa iba’t ibang bansa o magkaroon ng renewal of vows.

Mas type ni Cong. Vi ang magbiyahe, pero type pala ni Sen. Ralph ang magpakasal uli, kaya pareho nilang gagawin ito.

Tuwang-tuwa ang mga Vilmanians siyempre kapag matuloy ang renewal of vows.

Gusto nilang masaksihan uli ang pagpapakasal uli ng Star for All Season.

Sa ngayon ay mas aba­la si Cong. Vi sa trabaho niya sa kongreso. Marami siyang natutunan at isa sa gusto niyng matupad ay ang ipapasang bill para sa movie industry.