‘UNLI’ TIRIK SA MRT 3

By ,

Kung ang ‘unli rice’ ay nanganganib ipagbawal, mukhang hindi naman mapipigilan ang mga aberya at paulit-ulit na pagtirik ng Metro Rail Transit (MRT) 3 at pina­ngangambahang ito na ang maging ‘unli’.

Umaga pa lang kahapon ay tatlong beses na tumirik ang biyahe ng MRT 3 na naging dahilan ng pagkaperwisyo ng mga papasok na estud­yante at mga empleyado.

Napag-alaman mula sa control tower ng MRT-3 na ang unang aberya ng isang bagon ay naganap dakong alas-6:25 ng umaga sa GMA Kamu­ning Northbound station sa Quezon City.

Dahil dito, pinababa­ ang mga pasahero habang hinatak muna paba­lik sa MRT-3 depot ang nagkaaberyang tren bago naibalik sa normal ang operasyon.

Makalipas ang halos isang oras na aberya, mu­ling nagkaroon ng problema ang biyahe ng isa pang tren dakong alas-7:12 ng umaga sa Guadalupe Northbound station naman sa Makati City. Muli umanong pinababa ang mga pasahero dahil sa technical problem.

Naganap naman ang ikatlong aberya dakong alas-10:15 ng umaga sa Cubao-GMA Kamuning Northbound station. Bandang alas-10:18 ay pinababang muli ang mga pasahero dahil umano sa panibagong technical problem.

Nauna rito, June 16, ay dalawang pagtirik naman ang naitala sa MRT 3 na dakong alas-10:06 ng umaga sa Quezon Avenue Station Northbound at alas-3:30 ng hapon sa Santolan Station Southbound.

Noong June 15, tatlong pagtirik ang naitala: 11:40 a.m. sa Buendia Station Southbound, 1:26 p.m. sa Magallanes Station Northbound at 2:17 p.m. sa GMA Kamuning Station Northbound.

Sa record ng MRT 3, mula June 11 hanggang June 14 ay ilang ­aberya rin ang nakatala na pawan­g naging dahilan ng matinding istorbo sa mga commuters.

Paliwanag ng pamu­nuan ng MRT 3 pawang­ technical problem ang dahilan ng magkakasunod na aberya na ikinainis ng mga apektadong pasahero lalo na ng mga college students na karamihan ay ngayon pa lang nagsisi­mula ang pasukan.

Ang MRT 3 ay bumibiyahe sa kahabaan ng Edsa mula sa North Ave­nue, Quezon City patu­ngo ng Taft Avenue, Pasay City at vice versa.