UAAP: UST SINIPA NG FEU

By

Hindi na pinaporma pa ng Far Eastern ­University ang University of Santo Tomas 25-22, 27-25, 25-18 sa stepladder semi­finals ng UAAP Season 79 men’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan kahapon.

Dahil sa panalo ay ina­reglo ng FEU ang pakiki­pagbakbakan sa No. 2 seed National University sa Linggo sa MOA Arena.

“Yes, nakuha ng mga bata ‘yung mga pinaghirapan namin. Good, at least napatunayan nila sa sarili nila na para sa amin ­talaga ang third place,” saad ni Tamaraws coach Rey Diaz. “Pero hindi pa naman kami tapos.”

Nanguna sa FEU ang nasa huling taon na sa UAAP na si Greg Dolor sa tinapos na 13 puntos, nag-ambag ng 12 marka si Jude Garcia.

Nakalamang ang UST 16-10 sa third set pero kampante si Diaz na makakabawi ang kanyang mga bata.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Tamaraws, agad rumatsada ng 15-2 run para tapusin na ang paghihirap ng Tigers.

“‘Yung mga coaches ko, bakit daw hindi ako nagta-timeout? Eh ­malaki talaga ang tiwala ko sa team, tsaka alam kong kaya nila ‘yun. Napag-praktisan na namin ‘yun,” kuwento ni Diaz.

Madali man ang ­naging daan ng FEU sa unang laban ay ­magiging mas mahirap ang ­kasunod dahil twice-to-beat ang NU.

Namaalam na sa kumpetisyon ang UST.

Gumawa ng 12 puntos si Tigers team captain Arnold Bautista Jr., umayuda ng siyam si Manuel Medina at may anim si Jayvee Sumagaysay.


SHARE
Previous articleFEU, UST unahan sa No. 3
Next articleTransSportShow