UAAP: Lady Eagles balik sa semis

By

Hindi nawalan ng diskarte sa decider ang Ateneo, naigapang ang 25-20, 25-22, 17-25, 21-25, 15-8 panalo laban sa Far Eastern U sa The Arena sa San Juan kahapon para maniguro na ng puwesto sa Final Four ng UAAP Season 79 women’s volleyball.

Nagsalansan si Jho Maraguinot ng 23 points na naka-angkla sa 19 attacks, three aces at isang kill block para sa Lady Eagles, sa pang-walong sunod na taon ay nasa semifinals na naman.

Kumalas sa pulutong ang Ateneo sa kinubrang pang-siyam na panalo sa 10 laro, nanatiling mag-isa sa tuktok.

May 13 kills tungo sa 15 points si Michelle Morente na may 18 digs at 17 excellent receptions pa para sa mga taga-Katipunan. Tumapos si Bea de Leon ng 12 at naglista ng 39 excellent sets si Jia Morado.

“Laging five sets eh,” bulalas ni Ateneo assistant coach Sherwin Me­neses sa panalo. “Buti na lang ‘yung break napunta sa amin.”

Sa fifth, nakadikit pa sa 10-8 ang Lady Tamaraws pero nag-error ng tatlong sunod.

Tumapos si Bernadeth Pons ng 19 sa FEU, nalaglag sa 5-5.

Sa first game, nasingitan ng isang set ang UST bago sinagpang ang 25-12, 25-18, 22-25, 25-19 panalo laban sa Adamson.

Angat sa 6-4 ang Tigresses, pinamunuan ng 18 points ni Cherry Rondina. Nag-ambag si EJ Laure ng 14 points, 12 dito mula sa kills.

Nanatiling winless sa 10 subong ang Lady Falcons.