Trillanes may tulog sa ethics

By

Kumpiyansa si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na mapaparusahan si Senador Antonio Trillanes IV bunsod ng diumano’y pambabastos sa kasamahang mambabatas.

Matatandaan na tinawag ni Trillanes na “comite de absuelto” ang Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Sen. Richard Gordon.

Kaakibat naman nito ay inireklamo ni Gordon si Trillanes sa Senate ­Ethics Committee.

Iginiit ni Panelo na ­delikado si Trillanes at malamang na maharap ito sa kaparusahan.

“…iyong sa Ethics Committee, delikado siya roon. Kasi talagang may violation siya sa ginawa niya sa pambabastos sa mga kapwa niya senador, ang paninira niya doon. Sinisiraan niya ang buong institusyon. Kaya I think, may darating na kaparusahan sa kanya,” pahayag ni Panelo sa isang panayam kahapon.

Naniniwala rin si ­Panelo na dapat noon pa nakastigo si Trillanes dahil ayaw nitong tumigil sa kangangalngal.

“It’s about time, sabi ko nga kay Dick Gordon, masyado na ngang matagal iyan, dapat noon ninyo pa pinarusahan iyan dahil hindi naman tumitigil eh,” dagdag nito.

Binigyang-diin ni Panelo na ano man ang abutin ni Trillanes ay hindi pinanghihimasukan ng Malacañang ang diskarte ng Senado.

“Si Presidente, ayaw nag-i-intervene, ayaw nakikialam sa… kung doon sa sarili niyang mga opisina sa Office of the President ay hindi nakikialam at saka sa executive departments, doon pa sa labas,” giit ni Panelo.