Tamang duda nag-rambo, nadedo!

By

Nasawi ang isang la­laki nasa drug watchlist at kilalang drug pusher matapos makabarilan ang mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 1 (MPD-PS1) sa Smoke Mountain, Tondo, Maynila kahapon.

Kinilala ni SPO2 Bernardo Cayabyab, im­bestigador ng Manila Police District-Homicide Section ang suspek na si Richard Borinaga, 43, at taga-Smokey Mountain, Tondo, Maynila.

Ayon kay Police Senior Insp. Jervies Soriano, commander ng SM Police Community Precinct, nagpunta sila sa lugar kasama ang ilang operatiba ng MPD-PS1 matapos makatanggap ng tawag na sa Smokey Mountain nagtatago ang isang inirereklamo sa kasong ‘abduction’.

Pagdating sa lugar ay nagulat na lamang ang mga awtoridad nang salubungin sila ng bala ng suspek kaya napilitan si PO2 Joel Castro na barilin ito.

Sa impormasyong nakuha ni Cayabyab sa lugar, nalaman niyang kilalang drug pusher at nasa drug watchlist ng MPD-PS1 ang suspek.

“Siguro akala niya may operasyon ang pulisya at huhulihin siya kaya nang makita ‘yung mga pulis kaagad na namaril nang namaril, e hindi naman siya ‘yung target ng operas­yon, kundi iyong suspek na responsable sa isang kaso ng abduction na nagtatago daw sa Smokey Mountain,” ayon kay Cayabyab.

Naisugod pa ang biktima sa Tondo Medical Center pero idineklarang dead-on-arrival.

Nakuha sa suspek ang isang .38 kalibre ng baril at isang sachet ng shabu.