Suspek sa bus holdap arestado

By ,

“Hindi ko po alam yun nangyaring holdapan, bigla na lang po ako dinakma ng mga pulis.”

Ito ang pahayag kahapon ng isa sa apat na kilabot na holdaper na nangholdap sa isang pampasaherong bus noong Martes ng madaling-araw sa Pasay City.

Agad na naituro ni Insp. Paul Kenneth Magan, 23, nakatalaga sa National Headquarters sa Camp Crame sa Quezon City, isa sa mga nabiktima ng holdap, ang suspek na si Junel Victorino, 20, binata, walang trabaho at naninirahan sa I Santos St., Malibay nang nasabing lungsod nang dalhin sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Pasay City.

Sa isinumiteng report ni Chief Inspector Rolando Baula, hepe ng SIDMB dakong alas-11:00 ng umaga nang maaresto si Victorino matapos magsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng Station Investigation Unit sa E. Rodriguez St., Malibay, Pasay City.

Base sa pahayag ni Inspector Magan, na nakilala niya ang suspek dahil ito ang unang lumapit sa kanya kasama pa ang tatlong suspek na nakilalang sina Norman Deyta, Wendel Padilla, at Edgar Binayug.

Nakilala ang apat na suspek sa pamamagitan ng photo gallery ng pulisya.

Suot pa ni Victorino ang singsing ni Magan na may nakasulat na PNP academy nang ito ay maaresto ng mga awtoridad at nakuhanan din ito ng isang kutsilyo.