Sundin ang batas


Ipinatitigil ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang panini­ngil ng travel tax at terminal fees sa mga overseas Filipino workers (OFWs).

Ang mga sinisingil na travel tax at terminal fees sa OFWs na napupunta sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay dapat na isinusumite sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para mai-refund ng mga OFW pero hindi ito nangyayari.

Ayon sa DOLE, hindi tama ang patuloy na paniningil ng travel tax at terminal fee sa mga OFW dahil tatlong taon na nang magkabisa ang batas na naglilibre sa mga OFWs mula sa nasabing bayarin o ang Republic Act 8042 o Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995 na inamyendahan ng RA 10022.

Ang pagbabawal na maningil ng terminal at travel tax sa mga airline companies ay epektibo pang ipatutupad sa Abril 30 na ­mariing kinukuwestyon ng DOLE.

Kaya naman nakatakda nang dumulog ang DOLE sa Office of the Solicitor General para magsulong ng kaukulang legal na ­hakbang at mahinto na ang paniningil ng travel tax at terminal fee mula sa mga OFWs.

Suportado natin ang hakbang na ito ng DOLE, bakit nga naman kailangan pang patagalin ang implementasyon ng batas na nagbabawal maningil ng terminal fee at travel tax sa mga OFWs gayong tatlong taon na pala ang nakalipas mula nang ito ay ipasa.

Para sa amin, dapat i-refund sa mga OFWs ang mga naibayad na terminal fee at travel tax dahil ilegal ito. Kaya dapat ay ­ipursige ng DOLE at ng OSG ang paghahabol sa CAAP upang mabawi ang mga siningil na terminal fee at travel tax sa mga OFWs dahil ­malaking tulong ito para sa mga OFWs na batid naman nating per kontrata ang kanilang trabaho.

Ang aming panawagan huwag lamang sanang puwersahing ipagbawal ang paniningil sa terminal fee at travel tax kundi ibalik din ang mga siningil sa mga nakalipas na taon dahil may batas nang nagbabawal na singilin ang mga OFWs.

Matuto sana ang gobyerno o ang CAAP na magsauli ng salaping hindi naman para sa kanila.