Stress-free shopping tips

By

Para sa marami, nakadaragdag sa kanilang excitement ang shopping o pamimili ‘pag malapit na ang Araw ng Pasko.

Kulang man sa budget o kapos man sa oras sanhi ng regular na trabaho, may mga tips na maaaring gamiting ga­bay para maging kaaliw-aliw at stress-free ang pamimili.

1. Gumawa ng lista­han ng mga bibilhin at ang ilalaang budget para rito.
Makatutulong ito upang makatipid sa panahon at hindi na maaksaya ang oras sa paglilibot. Makatitipid din kung may ideya ka na sa presyong ilalaan sa mga bibilhin para maiwasan ang sobrang paggastos.

2. Magbayad ng cash.
Mas mainam kung cash at hindi credit card ang gagamiting pambayad sa mga bibilhin upang maiwasan na mabaon sa utang bunsod ng ipapatong na interes dito.

3.Mamili nang mag-isa.
Mas makabubuti kung mag-isa kang mamimili at wala kang karay-karay na kasama na posibleng makadagdag sa gastos sa halip na makatipid. Siyempre, obligado kang pakainin­ ang kasama mo bilang pakonswelo sa pagsama sa iyo at maaaring mahiya ka rin na humindi ‘pag may hiniling ito na regalong hindi swak sa iyong budget. Dapat ay may tiwala ka lang sa sarili mo sa pagpili ng mga bibilhin.

4. Regalo sa iba at hindi sa sarili mo ang bibilhin kaya todo kontrol ang dapat pairalin.
Minsan lang naman sa isang taon ang pagreregalo kung kaya’t hindi dapat ma-guilty kung titipirin natin ang ating sarili para mapasaya ang mga mahal natin sa buhay. Dapat nating tandaan na it’s better to give than to receive sa panahon ng Kapaskuhan. Idagdag na lang natin sa ating wishlist ang mga bagay na gusto natin para sa sarili natin.

5. Mamili sa mga tindahan na nagbibigay ng sale at discounted rates.
Pagtuntong pa lang ng Ber months ay kabi-kabila at sabay-sabay ang mga mall na nag-aalok ng sale at 50 % na discount sa kanilang mga produkto. Kailangan lang na maging matiyaga at malikhain ang isip para makapili ng mga pangregalong ikasasaya ng mga mahal mo sa buhay.

7. Mag-isip ng regalong marami ang masisiyahan.
Layon nito na walang magtatampo sayo ‘pag nagregalo ka sa isang tao lang gayung buong pa­milya pala ang kaibigan mo. Bukod sa makatitipid na, everybody happy ika nga dahil sapul mo mula sa pinakamatanda hanggang pinakabata ‘pag binigyan mo sila halimbawa ng isang kahon na homemade cookies.

8. Sariling sikap sa pagbabalot ng regalo.
Bakit ka magtitiyagang sumiksik sa napakahabang pila sa mall sa gift-wrapping section kung kaya mo namang gawin ito sa bahay?

Makatitipid na sa oras, gagana pa ang isip mo para maging malikhain sa pagbabalot ng mga regalo. Dagdag points din ito dahil personalized ika nga ang atake.