‘Sonic weapon’ ng PNP, ibinala sa House inquiry

By

Kaya pala matagal nang bingi ang kapulisan at gobyerno sa makatuwirang panawagan ng mga mamamayan ay dahil matagal nang ginagamit ang sonic weapon na Long Range Acoustic Device (LRAD).

Ito ang komento ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas kasunod ng pag-amin ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde na dati nang ginagamit ang nakabibinging sonic weapon.

Bida ni Albayalde, panahon pa ng dating administrasyon ni ex-President Gloria Macapagal-Arroyo ay ginagamit na ng Philippine National Police (PNP) ang LRAD.

Bunsod nito, mas nadagdagan ayon sa Gabriela solon ang rason para itulak ang imbestigasyon sa marahas na dispersal sa mga raliyista sa anti-Trump protest sa Maynila nitong Lunes, Nobyembre 13, lalo na ang paggamit ng LRAD na nakakasama sa pandinig hindi lang ng mga raliyista kundi pati sa mga pulis.

“How much taxpayer’s money were spent for all these weapons? How many sonic weapons are there in the PNP’s arsenal?” hirit ng lady solon.

Hindi aniya ito usapin kung ngayon lang o dati pa ginagamit ang sonic weapon na LRAD.

“Ang tanong na dapat masagot, bakit ba kailangan pang gumamit ng sound weapon kung talagang handang makinig ang gobyerno sa mamamayan?” dagdag ni Brosas.

Giit ng kongresista, hindi dapat gamitin itong sandata laban sa mga nagpoprotesta dahil may seryosong epekto ito sa kalusugan at kahit na ang mga bystander at pulis ay naapektuhan din ng sonic weapon.