Sharon-Kiko matagal nang hiwalay

By

Matagal na umanong hiwalay ang celebrity­ couple na sina Senador Francis ‘Kiko’ Pangi­linan at megastar Sharon Cuneta.

Ito ang ibinulong ng isang taong nakakaalam sa tunay na score sa samahan ng mag-asawa.

Ayon sa source na tumangging magpabanggit ng pangalan, pakitang-tao na lang ang ginagawa ng dalawa dahil sa gustong pangalagaan ni Pangilinan ang kanyang status bilang mi­yembro ng Senado, habang si Sharon ay isa sa tinitingala naman sa showbiz industry bukod pa sa may mga endorsement ito.

Binanggit ng impormante na matagal na umanong hindi umuuwi sa bahay ni Sharon sa Ayala Alabang ang senador.

Mas madalas pa umano sa farm sa Cavite si Kiko at ni minsan ay hindi duma­law doon si Sharon.

Darating din umano ang araw na magsasalita din si Sharon at aaminin ang tunay na lagay nilang dalawa.

Tumanggi naman ang impormante na sabihin ang dahilan ng hiwala­yan nina Kiko at Sharon dahil ipauubaya na lang niya ito sa aktres na siyang magpaliwanag.

Noong 2009 nagsi­mulang kumalat ang tsismis na ‘on the rocks’ ang pagsasama ng dalawa dahil sa ulat na may naanakan umano ang senador.

Nag-alok pa si Sharon ng P10 milyong cash sa sinumang makapaglalabas ng ebidensiya na may anak ang kanyang mister sa ibang babae.

Noong Mayo lamang, muling umusok sa isyu na hiwalay na ang mag-asawa matapos na umalis mag-isa si Sharon patungong Estados Unidos.

Nataon ang pag-alis ni Sharon sa kumalat na litrato na magkahawak-kamay umano sina Pangilinan at Senador Risa Hontiveros habang nag­lalakad sa labas ng Custodial Center ng PNP sa Camp Crame matapos nilang dalawin si Senador Leila de Lima.

Matagal na nanahimik si Sharon at makalipas ang ilang araw ay nagsalita din ito tungkol sa dahilan ng paglayas niya patungong Amerika.

“Okay. Here is the truth. Kung anuman ang pinagdadaanan ko/namin ngayon, HINDI PO ITO KASALI DOON. There is no truth to the rumours going around that Kiko and Sen. Risa Hontiveros are having an affair (or held hands). Some people are evil. They have nothing better to do than ruin people’s lives. Wala bang mas matalino or mas challenging na paraan na hindi naman nakaiinsulto sa utak ng karamihan kung maninira ka rin lang ng kapwa?” diin ng singer/actress sa ipinost nito sa kanyang Facebook account.

Ipinaliwanag pa ng aktres na kaya siya umalis patungong US ay dahil sa pagkamatay ng kaibigan niyang kompositor, dagdag pa ang problema sa ginagawa niyang pelikula noon gayundin sa negosyo.

“Ngayon, after ­thirty years, nangingibabaw sa akin ang dugo ng Daddy­ ko. Cuneta ako. We are street-smart. My father had a Master’s Degree in the school of hard knocks. Do not even THINK about putting one over me. I shall NEVER allow it again. So if I am indeed going through anything now, IT DOES NOT INVOLVE A THIRD PARTY.” diin pa niya.

Samantala, tinangkang hingan ng reaksyon si Megastar sa panibagong bulung-bulu­ngan sa kanilang relasyon ni Sen. Kiko pero bigo ang TONITE na makontak ito.