Sharon dinedma ang pa-block screening ng fans

By

MAY tampo ang ilang fans ni Sharon Cuneta na sumuporta sa nakaraang block screening ng pelikula nila ni Robin Padilla, kasama sina Joshua Garcia at Julia Barretto, ang Unexpectedly Yours, na ginanap sa Greenbelt Cinema last Dec. 3.

Hindi nasilayan ng kanyang fans si Sharon sa block screen na umaasang makikita nila nang personal ang kanilang idolo.

Kahit man lamang daw video greetings sana­ ng megastar na binabati­ at nagpapasalamat ito sa mga nag-effort na bumuo ng block screening ay wala silang nakita bago­ ipalabas ang movie.

Ang ilang grupo kasi lalo na ang mga nasa abroad ay nagtulong-tulong para maisagawa ang block screening ng pelikula, bilang comeback film sa mainstream ng kanilang idolo.

Naiinggit nga raw ang ilang grupo ng fans ni Sharon dahil dumating si Robin Padilla sa block screening ng kanyang fans sa Dolphy Theater, ilang araw bago naganap ang block screening ng fans ng award-winning actress.

Nakaposte naman sa FB wall ng isa sa avid fans ni Sharon na si Isagani ang advice na hindi makakarating si Sharon sa screening dahil may nauna na itong schedule para sa kanyang pamilya.

Halos isang buwan raw na hindi nakakasama­ ng megastar ang kanyang pamilya kaya gusto nitong bumawi sa bonding sa mga ito. Pero giit ng fans na sana kahit man lang video greeting ni Sharon ay napanood nila.

Well, kilala namin si Sharon na pagdating sa kanyang fans ay all-out ang support nito.

Malamang may pambawi naman ang megastar sa kanyang fans at ‘yun ang dapat nilang abangan.

Cong. Yul willing pa ring maghubad sa pelikula

GO signal at approval na lang ni Direk Maryo J. delos Reyes para maka­balik uli sa acting si 3rd district Congressman Yul Servo. Bilang manager at mentor, respetado ni Yul ang lahat ng payo ng director­.

Ito raw kasi ang naka­kaalam kung anong role, genre ang bagay sa kanya, lalo sa estado niya ngayon bilang respetadong congressman. Dapat daw ay piling-piling na ang mga role at tema ng pelikulang gagawin niya ngayon.

Pero hindi raw siya choosy at wala pa rin siyang limitasyon pagda­ting sa acting. Kahit nga raw magpa-sexy uli ay kakagatin ni Yul lalo at maganda ang project.

Ipinaliwanag nitong hindi bawal sa trabaho ­niya ang anumang role na gagampanan basta hindi niya napapabayaan ang kanyang posisyon.

Anyway, kapag nagbuyangyang ulit ng kamachohan si Yul, siguradong marami ang mababaliw at maaliw. Ang guwapo pa rin kasi ni Yul.