Shabu queen ng Bulacan, 3 pa nakorner

By

Apat na katao kabilang ang tinaguriang shabu queen ang nadakip ng city police makaraang makum­piskahan ng shabu at mahuli sa aktong bumabatak ng ilegal na droga nang magsagawa ng buy-bust operation ang awtoridad sa Barangay San Rafael IV, San Jose del Monte (SJDM) City, Bulacan kamakalawa.

Kinilala ng pulisya ang mga naarestong sina Myla Ignacio y Alejandro alias ‘Tisay’, 24, may-asawa; Philip Rempajo y Castillano alias ‘Buboy’, 31, obrero, kapwa ng Block 11, Lot 47, Area H; Michael dela Cruz y Julio, 40, binata ng Lot 69, Area H at Loyda Gabriel y Pidot, 38, ng Block 11, Lot 68, ng Area H, pawang ng Barangay San Rafael IV ng nasabing lungsod.

Nabatid na alas-8:20 ng gabi nang magsagawa ng buy-bust operation ang pulisya sa Barangay San Rafael IV, SJDM City kung saan kumagat ang tulak na si Ignacio na tinaguriang shabu queen at matapos tanggapin ang marked money ay kaagad itong inaresto gayundin ang kanyang tatlong kasamahan na bumabatak sa nasabing lugar.