Sereno paawa sa SC – Gadon

By

Naniniwala ang abogado na naghain ng impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na kumukuha lamang ito ng simpatiya sa mga hukom at court employee kaya gusto niyang kuwestiyunin sa Mataas na Hukuman ang impeachment process na isasagawa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Ayon kay Atty. Lorenzo Gadon, huli na para kay Sereno ang kumuha ng simpatiya mula sa hudikatura at publiko.

Kasabay nito,minaliit rin ni Gadon ang plano ng kampo ni Sereno na makahingi ng saklolo sa kanyang mga kasamahan sa Hudikatura.

“Sereno has been doing the rounds, talking to the judges and court personnel.

Unfortunately, she has lost her credibility with them,” ayon kay Gadon sa isang kalatas.

“In the last five years as chief justice, she has been promising judges and court employees that she will address their concerns. But to date, after five years, those promises have remained as promises,” dagdag pa ni Gadon.

Sa halip umano na tugunan ni Sereno ang mga problema sa hudikatura tulad ng benepisyo ng mga hukom at empleyado mas pinili nitong manungkulan nang marangya.

Tulad umano ng pagbili ng mamahaling SUV, pagbiyahe sa ibang bansa nang business class, kasama ang mga piling abogado gamit ang pondo ng gobyerno.

Ito rin umano ang dahilan kung kaya maging ang mga kasamahan niya sa hudikatura ay hindi siya sinusuportahan.

Sinabi pa ni Gadon ang kawalan ng suporta sa mga kasamahan, hukom at court employee kung kaya gumamit ang kampo ni Sereno ng isang kahina-hinalang organisasyon at kumuha pa ng public relations professionals para mapabango ang kanyang imahe.