Senado may ocular inspection sa inagaw na bahay ng Kadamay

By

Matapos ang isinagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa ilegal na pag-okupa ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa mga housing units sa Pandi, Bulacan, isang ocular inspection sa lugar ang isasagawa ng mga senador sa susunod na linggo.

Ayon ito kay Senador JV Ejercito, chair ng Senate committee on urban planning, housing and ­resettlement.

Layon pa rin ng inspeksiyon na personal na tingnan ang tunay na sitwasyon sa lugar partikular na rin ang mga units na inirereklamong substandard ang pagkakagawa.

Kasabay ng inspeksiyon ay ang gagawing pakikipagpulong sa mga local officials ng lungsod gayundin ang lider ng Pandi ­Homeowners Association.

Itinakda ang ocular inspection sa darating na Abril 25.

Matatandaan na sa pagdinig ng Senado ay lumitaw na ang maliit na sukat ng mga units bukod sa substandard na pagkakagawa at malayong lokasyon ang panguna­hing dahilan kung kaya’t nakatiwangwang at hindi ito inokupahan ng mga benepisyaryo nito na mga tauhan ng AFP at PNP.

Ito na rin ang dahilan kaya puwersahan itong inokupahan na lamang ng grupong Kadamay.

Ngunit una nang nanindigan ang National Housing Authority (NHA) na hindi maaaring ibigay na lamang nang libre sa naturang grupo ang inokupahan nilang mga units.

Sa kabila ito ng pasya ng Pangulo na ibigay na sa grupo ang mga inokupa­hang units.

“Walang libreng pa­ba­hay, certainly magbaba­yad sila (Kadamay). We will award them but subject for payment,” giit ni NHA General Manager Marcelino Escalada.

Mahigit sa limang libong units ang ilegal na inokupahan ng grupo.