Sa ‘kill rewards’ sa PNP, ebidensya muna! — Bato

By

Inihayag kahapon­ ni Philippine National­ Police (PNP) chief ­Director General­ ­Ronald ‘Bato’ dela Rosa­ na mas mabibigyang bigat sana kung mayroong ebidensyang mailalabas ang dalawang opisyal ng pulisya na nag-aakusa na binabayaran umano ang mga pulis para patayin ang mga drug suspects.

Ayon kay Dela Rosa, kailangan na may matibay na ebidensyang mailabas ang isang aktibong opisyal at retiradong opisyal ng PNP na parehong hindi nagpakilala sa kanilang mga ipinahayag sa Reuters na nagsasabing planado at may kaakibat na halaga ang mga pagpatay sa ilang mga sangkot sa ilegal na droga.

Sinabi ni Dela Rosa na makabubuting tapatan ng kongkretong ebidensya ng mga nag-aakusa ang kanilang mga paratang.

“Sensitibo at seryoso ang paratang nila dapat magharap sila ng mati­bay na evidence para hindi naman lumabas na haka-haka lang,” pahayag­ ni Dela Rosa.

Gayunman, iginiit ng chief PNP na trabaho ng mga pulis na sumupil ng mga lumalabag sa batas at hindi kailangang bayaran pa o bigyan ng reward dahil tungkulin nila ang magpatupad ng batas.

Giit pa ni Dela Rosa,­ walang pondo o pera ang PNP para ipamigay sa kanilang mga tauhan lalo na sa pagganap ng kanilang tungkulin.

Pero nilinaw ni Dela Rosa na sakaling may lalabas namang matibay na ebidensya kaugnay sa akusasyon ay handa naman nila itong harapin at sagutin.