Riding-in-tandem suspect patay sa engkuwentro

By

Isa sa dalawang hinihinalang miyembro ng riding-in-tandem ang napatay ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-5 ng Parañaque City Police sa isang engkuwentro kahapon ng madaling-araw sa lungsod.

Base sa isinumiteng report ni Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Parañaque City Police, dakong ala-1:45 ng madaling-araw nang maganap ang engkuwentro sa harap ng Loyola Memorial Park na matatagpuan sa Dr. Arcadio Avenue, Brgy. BF Homes ng na­sabing lungsod.

Ayon kay Modequillo, bago ang insidente, nagsasagawa ng pagpapatrulya ang mga tauhan ng PCP-5 na sina SPO1 Lawrence Alcantara at PO3 Edgar Jose sa kahabaan ng Su­cat Road lulan ng kanilang mobile patrol car No. 215-B nang may namataan silang kahina-hinalang kilos ang dalawang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo na walang suot na helmet.

Hinabol nina Alcantara at Jose ang dalawa na magkaangkas sa motorsiklo, ngunit nang kanila nang sisitahin ang mga ito ay bigla na lang silang pinaputukan ng mga suspek kung kaya’t napilitan silang gumanti ng putok bilang depensa sa kanilang mga sarili.

Sa palitan ng putok ay tinamaan ng mga opera­tiba ang hindi pa nakikila­lang back rider (suspek) at nahulog sa kalsada kung saan siya kaagad na namatay habang nakatakas ang kasamahan nito sakay ng kanyang motorsiklo.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang malaman ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek at ng kanyang nakatakas na kasamahan.