Ramdam na ang positibong epekto ng mataas na buwis sa sigarilyo

297

Tagumpay ang layunin ng gobyerno sa pagpapataw ng mas mataas na buwis sa sigarilyo.

Ito ay matapos na iulat ng Department of Health (DOH) na nabawasan ang bilang ng mga expose sa second-hand smoke dahil nabawasan na ang bilang ng mga naninigarilyo base sa kanilang pag-aaral.

Paliwanag ni Health Secretary Paulyn Jean Ubial, mula nang taasan ang presyo ng mga sigarilyo dahil sa mataas na buwis ng mga tobacco products ay bumaba na ang bilang ng naninigarilyo.

Maging ang mga Pinoy na expose sa second-hand smoke ay bumaba na rin ang bilang mula sa dating 29.75% noong 2009 ay nasa 23.8% na lamang noong 2015 at patuloy umanong bumaba.

Samantala sa kabila ng tuluy-tuloy na pagbaba ng bilang ng mga naninigarilyong Pinoy ay mas mataas pa rin umano itong maituturing kung ikukumpara sa ibang bansa.

Dahil dito ipagpapatuloy pa ng DOH ang mga hakbang para lalong maging progresibo ang pagpapababa sa bilang ng mga Pilipinong naninigarilyo.

Good news ito sa lahat dahil mangangahulugan ito nang un­ting-unti nang pagkakaligtas ng mga non-smoker sa masamang epektong hatid ng usok na ibinubuga ng mga naninigarilyo.

Katulad ng hangarin ng DOH, sana nga ay magtuluy-tuloy na ang pagtigil sa paninigarilyo ng ating mga kababayan.

Ang napipintong pagpapatupad ng smoking ban ay malaking bentahe rin para tuluyang makawala ang ating bansa sa mga sakit na hatid ng paninigarilyo.