PWD Law mapapatupad na


Mararamdaman na ang malasakit ng gobyerno sa mga persons with disabilities (PWDs) matapos mapirmahan ang IRR ng PWD Law, ayon kay dating Congressman Martin Romualdez.

Matatandaang si Romualdez ang awtor at nagsulong ng PWD law sa Kongreso at ipinaglaban ito hanggang maging ganap na batas maski kontra-partido sa pamahalaang Aquino.

Malaki ang benepisyo na matatamasa ng mga PWDs sa naturing batas tulad ng 20% discount sa mga pamilihin at pagkain, discount sa mga gamot at healthcare services at ang pinakaimportante, pagtanggal ng 12% VAT na magpapagaan ng buhay ng mga Pilipinong PWDs.

Patuloy ang malasakit sa mga Pilipino sa buong mundo, ani Romualdez, dahil makikinabang din sa naturang batas ang mga OFW na napinsala sa kanilang mga trabaho sa ibang parte ng mundo.

Saklaw din nito ang mga pamilyang nangangalaga sa mga PWD dahil makapagkakaltas sila ng P25,000 sa kanilang taunang buwis.

Kasamang dumalo sa pagpirma ng IRR ang puno ng DSWD na si Judy Taguiwalo, si Senador Sonny Angara na tagapagsulong sa Senado at si Congresswoman Yedda Romualdez liban sa iba pa.