Abante Tonite Interactive

Political history museum binuksan ni Robredo

By
1,040

Pinangunahan kahapon ni Vice President Leni Robredo ang pormal na pagbubukas ng Museo ng Kasaysayang Pulitikal ng Pilipinas na magbibigay ng pagkakataon sa publiko na mabisita ang museo na nagtatampok sa pulitikal na kasaysayan ng bansa maging sa pakikibaka ng mga Filipino sa pagkamit ng kalayaan sa Casa Real Shrine sa Malolos City, Bulacan.

Ayon kay Vice President Robredo, ang kaha­lagahan ng museo na nagtatampok sa pulitikal na kasaysayan ng bansa at sinabing ang mga aral nito ay nararapat na magsilbing­ ilaw at gabay ng mga ­Pilipino upang manindigan at ipaglaban ang kanilang mga karapatan at ipinahayag din niya na kung mayroong pagkakaisa at mabuting pamamahala, ang madilim na nakaraan sa pampulitikang kasaysayan ng bansa tulad ng panahon ng Batas Militar ay hindi na muling magaganap.

Tampok sa nasabing museo ang modernong info-graphics, life size dioramas ng mga datu at raha at maging ang mga armas, tradisyon at kultura noon na maghahatid sa mga bisita pabalik sa unang panahon at mayroon na ring e-learning room ang museo upang makapaghatid ng mas malinaw na impormasyon patungkol sa kasaysayang pampulitika ng bansa kabilang ang kasalukuyang pagbabago sa sistema ng pulitika sa Pilipinas.

Samantala, ipinahayag naman ni Gov. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang mahalagang papel ng lalawigan ng Bulacan sa pakikibaka ng mga Pilipino sa pagkamit ng pambansang kalayaan na siyang tahanan din ng tatlong republika — ang Republika­ ng Kakarong noong 1896, ang Republika ng Biak-na-Bato noong 1897 at ang Republika ng Malolos noong 1898.