PIOLO, NGANGA SA SOUTHERN LIGHTS

By
1705

ANG bagong movie ni Piolo Pascual ang naalala namin sa eksenang may pa-Northern Lights sa Hollywood flick na Kong: Skull Island.

Gumamit ng ‘cinematic license’ ang Kong sa night scene na tinitingnan ng dambuhalang unggoy ang bonggang green lights sa kalangitan.

Geographically-speaking ay imposibleng magkaroon ng Northern Lights (o Southern Lights) sa Skull Island dahil sa bandang dulo ng Northern or Southern Hemisphere lang makikita ang nasabing green lights.

At isa pa, nagyeyelo at sobrang lamig ng mga lugar kung saan makikita ito (dahil halos kalapit na ito ng Antarctica), samantalang sa isla ni Kong ay mainit at mukhang summer all-year-round.

Maging sina Piolo na nag-location shoot pa sa New Zealand para sa Nothern Lights: A Journey to Love ay hindi nakita ang Aurora Australis sa bahaging ‘yon ng mundo.

Sa Queenstown kung saan sila nag-shoot ay grabe ang lamig at panay yelo ang makikita mo, pero hindi tanaw mula roon ang Southern Lights na sasadyain mo pa sa bandang dulo ng NZ.

Alaska ang setting ng istor­ya, kaya lang ay summer nu’ng time na magsu-shoot sila sa Alaska, kaya sa New Zealand sila nagpunta para may snow.

Ang direktor ng pelikula na si Dondon Dantos ay da­lawang beses nang nagpunta ng Alaska at na-witness ang Northern Lights.

Last November ang huling punta roon ni Direk Dondon para mag-shoot ng Aurora Borealis scenes at establishing shots sa Anchorage at Fairbanks.

Ang sabi sa amin ni Direk Dondon, kung ano ‘yung feeling ng isang bata sa unang punta nito sa Disneyland at nakapanood ito ng laser show ay ganu’n ang pakiramdam ‘pag nakita mo ang famous green lights.

Nakakaiyak na nakakatuwa ang na-feel ni Direk Dondon nang una niyang masilayan ang mga berdeng liwanag na ‘yon sa kalangitan.

At hindi lang daw ito color green, meron ding halong purple, orange at iba pang kulay.

Ayon sa mythology, kaya sumasayaw ang Northern Lights ay dahil ito ‘yung kaluluwa ng mga mahal natin sa buhay na pumanaw na.

Most visible ito during winter time, pero meron daw studies na nagsasabing after this year ay aabutin ng 20 years bago maging visible ulit ang Northern Lights.

Kaya sabi ni Piolo, very timely na ginawa nila ang pelikula ngayon dahil makikita ng mga manonood ang magical green lights na ‘yon sa big screen.