PBA: BANGIS NG BEER AT GIN

By

Pba Ginebra Nlex
Hindi nakaporma si Sean Anthony (10) ng NLEX nang sagasaan tungo sa basket ni Justin Brownlee (32) ng Ginebra. Nilasing ng Gin Kings ang Road Warriors, 101-92, sa Astrodome kagabi. (Jhay Jalbuna)

Sobrang bangis ng San Miguel Beer at Ginebra, hindi kinaya ng mga nakatapat kagabi sa Cuneta Astrodome.

Sa main game, nilasing ng Gin Kings ang NLEX Road Warriors, 101-92, para iangat sa 3-1 ang kartada­ sa PBA Commissioner’s Cup.

Pinabuka ng Ginebra ang laro nang magkasa ng 42-14 third quarter output para baliktarin ang 48-47 halftime deficit tungo sa 89-62 lead papasok ng fourth, mula roon ay hindi na lumingon.

Iginuhit ni LA Tenorio ang eight sa kanyang 13 points sa third nang pangunahan nila nina Justin Brownlee at Joe Devance ang pagkaripas ng Ginebra.

“The ending kind of left a sour taste, but I’m pleased with the way we came out in the second half and pretty much took care of business,” ani Ginebra coach Tim Cone. “NLEX is going to win some game, but we made sure it wasn’t us.”

Tumapos si Brownlee ng all-around game na 18 points, 13 rebounds, five assists at three steals, may 18 points din at tigalawang rebounds at assists si Devance.

Sa unang pagkakataon sa nakalipas na apat na seasons, hindi umiskor si June Mar Fajardo pero sa ­tikas ng kapwa-starters ay nakapanambak pa ang San Miguel Beer ng 34 points bago ibinaon ang Mahindra, 109-80, sa first game.

Bida sa lahat ng scorers si Alex Cabagnot na may personal conference-high 26 points na sinahugan ng eight rebounds, may 20 points at 18 rebounds si Charles Rhodes para ihatid ang Beermen sa fourth straight win.

Nabaon sa 1-5 ang Mahindra, wala pang naipa­panalo sa pitong subok ang NLEX.