Parang Miss Universe

By
1163

Dear Kuya Rom,

Marami ang nagsasabing parang Miss Universe ang asawa ko. Siya ay masipag mag-workout at kita ito sa ganda ng kanyang katawan. Masaya akong ­nakikita siyang masigla at malusog, pero hindi ko gusto ang hilig niyang magpaganda ng katawan na parang balewala na ang ibang bagay.

May dalawa kaming anak. Gusto kong maging mabuting magulang. Okay lang sa akin na ako ang nag-aasikaso sa mga bata, hatid-sundo sila sa school. Pero hindi ko gustong wala ang misis ko para ayusin ang almusal ng mga anak namin, kasi siya ay nasa ­labas ng bahay at abala sa jogging o exercise.

Kahit sa oras ng hapunan ay hindi namin siya kasama, dahil sa kanyang zumba dance. Mahal ko siya, pero wala na siyang oras para sa aming dalawa dahil pagdating niya ng bahay, deretso siya sa kama para matulog. Parang umiiwas siyang mabuntis.

Paano ko siya makukumbinsing isipin naman niya ang kanyang pamilya na hindi dumating sa pag-aaway naming dalawa? — Bernie

Dear Bernie,

Mukhang sadyang pinili mong mapangasawa ang isang babaeng pang Miss Universe. Kinalakihan niya ang pag-aalaga ng kanyang katawan. Maaaring naiisip niyang kapag maganda siya, maligaya siya, at maligaya din ang pamilya. Para sa kanya, hinahangaan ng lahat ang ganda ng kanyang katawan, kaya dapat matuwa ka at ang mga anak ninyo dahil pride siya ng buong pamilya.

Pero kung ang pagpapaganda niya ng katawan ay nangangahulugan ng pagpapabaya niya sa ibang importanteng bagay, ito ay unfair sa pamilya. Ang kanyang pagpapaganda ng katawan ay nagiging makasarili, para sa isang tao lamang, at napapa­bayaan ang ibang miyembro ng pamilya.

Kahanga-hanga ka sa mga ginagawa mo para sa kabutihan ng pamilya. Lalo kang magiging kahanga-hanga kapag napanatili mong maganda ang iyong misis na hindi kayo nag-aaway. Kaya kausapin mo siya nang masinsinan.

Sabihin mo sa kanya na miss mo na siya sa kama at miss na siya ng mga bata kapag family time, lalo na sa oras ng almusal at hapunan. Dahil sa ganda ng katawan, kilala siya ng marami, pero hindi na siya kilala ng kanyang mga anak. Sabihin mo sa kanya na natutuwa kang nakikita siyang malusog at sexy, natutuwa ka sa kanyang katawan, pero mas gusto mo ang kanyang presensiya.

Sabihin mo sa kanya na maraming paraan para manatiling sexy siya. Una, kailangan niyang kumain ng tamang pagkain o diet. Pangalawa, ang workout ay puwedeng gawin sa bahay. Pangatlo, isama niya ang buong pamilya sa pamamasyal, sa swimming, o sa paglakad-lakad sa loob ng mall tuwing weekend. Ang mga ito ay maituturing na physical exercise.

Higit sa lahat, ang gabi-gabing pagpapaligaya sa sex ng mag-asawa ay mabuti sa kalusugan at maganda sa katawan. Kung siya ay mabuntis, kalooban ito ng Dios, at tanggapin ito nang may ligaya sa puso sapagkat ­bunga ito ng matamis na pag-iibigan. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom