Papaano maging ehemplo kung may mga pasaway sa inyong hanay?

By
270

Masyado yatang protektado ng Philippine National Police (PNP) ang isa nilang tauhan na nakakaladkad sa ‘tokhang for ransom’ dahil hanggang ngayon ay wala pang kasong isinasampa laban dito.

Mismong si Senador Panfilo Lacson ay hindi sang-ayon sa malambot na pagtrato ng liderato ng Philippine National Police (PNP) sa isang miyembro ng kapulisan na sangkot sa ‘tokhang for ransom’.

Nananatili kasing misteryoso sa pamilya ng 53-anyos na Koreanong si Jee Ick-Joo ang kinaroroonan nito matapos tangayin ng mga armadong suspek sa kanilang bahay sa Angeles City, Pampanga noon pang Oktubre 18 ng nakaraang taon.

Nakapagbayad na ng ransom ang asawa ng Koreano pero hindi pa rin ito pinalalaya ng mga ­abductors.

Pero isa sa malinaw sa kasong ito ay ang de­talyeng isa umano sa mga dumukot sa biktima ay isang miyembro ng PNP-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) na inamin ni PNP Chief Ronald dela Rosa na nasa kanila nang kustodiya.

Ang pulis na nasa kustodiya ng PNP ang sina­sabing nasa likod ng pagdukot pero nakakalungkot na sa kabila ng mabigat na krimeng kinasasangkutan nito ay tila wala lang sa liderato ng PNP ang atrasong ginawa ng kanilang tauhan.

Tama si Sen. Lacson na dating chief ng PNP bukod pa sa naging pinuno ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF) na hindi dapat binibigyan ng kapatawaran ang sinumang pulis na nasasangkot sa katulad na kaso partikular ang ‘tokhang for ransom’ dahil sa mabigat ang krimeng ito.

Papaano nga naman paniniwalaan ang dedikasyon at sensiridad ng PNP sa lahat ng operasyong kanilang ginagawa partikular sa giyerang ito kontra iligal na droga kung mayroong ganitong klaseng tauhan sa kanilang hanay.

Dapat talagang maging mabilis ang pag-aksyon ng puwersa ng PNP sa kasong kinasasangkutan ng kanilang tauhan upang malinis ang kanilang hanay.

Hindi naman yata ito patas sa lupit na pagtrato ng gobyerno at ng kapulisan sa mga pulitikong hindi pa man napapatunayang sangkot sa kalakaran ng iligal na droga ay nahuhubaran na sa publiko ang kanilang pagkatao.

Ang sa akin, maging patas sana sa giyerang ito ang kapulisan upang maramdaman ng taumbayan lalo na ang mga ordinaryong mamamayan ang inyong sinseridad sa kampanyang ito ng gobyerno.

Kasabay sana ng paglilinis sa mga sangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa ating lipunan ay linisin din ng kapulisan ang kanilang hanay mula sa mga tiwali na sumisira sa imaheng ng buong pu­wersa ng pambansang pulisya.


  • Evangelina Agustin Robles

    Asa ka pa. Kung si Marcos nga na lider sa pagpatay kay Espinosa nakablik sa pwesto. Basta Pulis kakampi kahit may Krimen na ginawa.