Panuntunan sa Free Tuition Law busisiing mabuti para karapat-dapat ang makinabang


Patuloy ang ginagawang pagbusisi ng mga opisyales ng ilang ahensya ng ating gobyerno sa pangunguna ng Commission on Higher Education (CHED) para sa implementing rules and regulations (IRR) ng Free Tuition Fee Law.

Ang Free Tuition Fee Law ay puntiryang ipatupad ng gobyerno sa June 2018, gayunpaman ay may ilan ng state universities and colleges (SUCs) ang makikinabang sa batas sa second semester dahil mayroon namang pondong magagamit na magmumula sa 2017 General Appropriations Act.

Ibig sabihin ay kagyat nang mapapakinabangan ng ilan nating mga kababayang estudyante ang batas na ito.

Pero sana habang nasa proseso ng pagbuo ng IRR ay mahimay mabuti ang mga probisyon upang wala nang maging problema sa hinaharap at makamit ang layunin ng pamahalaan na mabigyan ng edukasyon ang mga kabataan upang magkaroon ng komportableng buhay ang bawat Filipino na adbokasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hangad din natin na maging malinaw ang bawat isinasaad ng mga probisyon ng batas upang lahat ng estudyanteng naghahangad na makinabang ng libreng tuition fee ay maka-avail.

Ngayon pa lamang kung may mga agam-agam sa mga nilalaman ng batas ay dapat nang talakayin o pagkasunduan upang pagdating sa panahon ng implementasyon ay wala nang magiging problema.

Matagal na pinangarap ang batas na ito ng maraming Pinoy na walang kakayahang mag-aral dahil sa pagtaas ng halaga nga gastusin sa edukasyon kaya hangad natin ang tagumpay ng batas na ito hindi lamang sa mga estudyante kundi sa ating bansa sa pangkalahatan.


SHARE
Previous articleBISAYA, INATAKE SA SUNOG
Next article12-ANYOS NAGBIGTI