Pagsulong ng turismo


Isa sa mga nagpapaunlad sa isang bansa ay ang turismo. Habang dumarami ang mga dayuhang turista na namamasyal sa ating bansa ay lumalaki ang ginagastos nila na nagkakaroon naman ng positibong dulot sa ating ekonomiya.

Subalit kung ang isang turista ay magkakaroon ng hindi magandang karanasan dito sa atin siguradong magdadalawang-isip na bu­malik. Ang mas masama pa ay baka sila pa ang magsabi sa kanilang mga kababayan na iwasan ang Pilipinas. Sa ganitong lagay, nababawasan ang dapat na kita ng ating ekonomiya mula sa sektor ng turismo.

Nitong mga nakaraang araw, may mga report hinggil sa pambibiktima sa mga Japa­nese national sa Cebu at Maynila. Talaga namang kahiya-hiya at isang sampal sa pagsisikap ng gobyerno na maparami pa ang mga dayuhang turista na namamasyal sa ating bansa.

Sa Maynila, dalawang­ Japanese nationals­ ang nadukutan ng P250,000 at mahahala­gang dokumento habang naglalakad sa Malate. Sa Cebu naman, biniktima ng isang taxi driver­ ang dalawang Japanese nationals na sumakay sa kanya dahil siningil niya ang mga turista ng higit­ na mas malaki sa patak ng kanyang metro.

Nakakalungkot ang mga ganitong karanasan ng mga dayuhan sa ating bansa dahil mayroong mga kababayan tayo na imbes na tumulong upang mapaunlad ang ating bansa ay pinagsasamantalahan pa ang iba. Lalo pa at ito ay mga taong talagang nais na mabisita at makilala ang Pilipinas.

Lumalakas ang loob ng mga kriminal dahil wala silang nakikitang mga pulis sa pali­gid.

Kinukulang ang police visibility gayung mayroon namang tourist police na ang tungkulin ay protektahan ang mga turista, lokal man o dayuhan. Ang pagdaragdag ng mga tourist police unit ay makakatulong upang lalong mapahigpit ang seguridad.

Kailangan ding pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang ilang mga taxi driver na nananamantala ng mga dayuhan at maging mga kababa­yan. Mahigpit na ipatupad ang karampatang parusa upang hindi na umulit pa.

Nangyayari rin naman sa ibang bansa ang pambibiktima ng mga turista lalo ng pandurukot at panghoholdap. Subalit kung ang ating bansa ay talagang plano na gawing sikat na tourist­ destination ang Pilipinas dapat siguraduhin na ang mga ganitong pananamantala ay hindi mangyayari sa ating bansa.

***

Makipagtalakayan­ kasama ko sa: Email: rep.alejano.magdalo@gmail.com; FB: /Rep.AlejanoMagdalo Twitter: @AlejanoGary