Pagkawala ni Booker nagpagunaw sa Suns


TORONTO — Tumubog si Kyle Lowry ng 20 points at 10 assists, at umiskor din si DeMar DeRozan ng 20 points tungo sa paglusaw ng Toronto Raptors sa Phoenix Suns, 126-113, Martes at mailatag ang kanilang NBA-best home record sa 9-1.

Sa ulat ng The Associated Press, binitbit si Suns guard Devin Booker sa floor ng dalawang katropa matapos magtamo ng leg injury, may 2:40 pa ang nalalabi kasabay ng pagkakalublob ng Phoenix sa 11 puntos.

Namilipit si Booker sa sakit habang dumedepensa at hindi na kumikilos at dito’y dagliang umayuda ang trainers para ma­tingnan.

Si Booker, na pumilig mula sa 2-for-11 umpisa para tumilapon ng season-high 46 points noong Lunes sa naging ratsada nila sa Philadelphia, ay may hikahos na 0-for-7 sa unang bahagi noong Martes.

Kumana siya sa 4-for-15 sa kanyang 19 points, kalakip ang 10-of-12 sa foul line.

Kumarga si Serge ­Ibaka ng 19 points at napantayan ni OG Anunoby ang kanyang career high na 16 diretso sa paglista ng Toronto sa kanilang ikaapat na sunod na ­panalo.

Ang Raptors, na umiskor ng 100 o higit pang puntos sa 10 magkakasunod na laro, ay halos umabot sa triple digits sa tatlong yugto. Ungos ang Toronto, 97-79, diretso sa hulihan at hindi na natigatig sa final canto.

Si Greg Monroe ay may 11 points at 10 rebounds para sa kinapos sa enerhiyang Suns at isinara ang six-game, 10-day road trip sa kanilang seventh sa 15 back-to-backs ngayong season. Ang Phoenix ay 3-4 sa ikalawang tikada ng back-to-backs.

Sumalok si Alex Len ng 13 points at sina Troy ­Daniels at Josh Jackson ay may tig-13 puntos para sa Phoenix, kung saan kumamada ng 2-4 sa kanilang biyahe.