P10 pasahe pumalpak agad

By

Pumalpak agad ang hirit na P10 pasahe sa mga pampasaherong jeep makaraang itigil ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagdinig sa inihaing petisyon ng limang jeepney transport group sa taas-singil sa pasahe.

Sa hearing kahapon, kulang-kulang ang naiprisintang ebidensya at mga dokumento ng ilang kinatawan ng transport group para magsilbing basehan ng kanilang nais na fare hike increase.

Mula sa regular na P8 ay gustong gawin na P10 ang minimum na singil sa mga pasahero na ninanais ng mga petitioners mula sa grupong Pasang Masda, FEJODAP, ACTO, ALTODAP, at LTOP.

Gayunman, umamin ang abogado ng mga jeepney groups na hindi sila handa at walang dalang dagdag na mga papeles.

Ayon kay Obet Martin ng Pasang Masda, hindi lamang sa National Capital Region o NCR ang hirit nilang fare hike, kundi sa iba’t ibang panig ng bansa.

Paliwanag naman ni Zeny Maranan ng FEJODAP, sobra-sobra na ang pagmahal sa presyo ng produktong langis, lagi pang trapik, at patuloy ang pangongotong sa mga jeepney driver.

Nagpasya si LTFRB Chairman Martin Delgra na ipagpatuloy ang hearing sa October 24, alas-nuwebe ng umaga.

Dagdag ni LTFRB Board Member Atty. Aileen Lizada, kaila­ngan din nila ng panahon bago magpasya sa fare increase, lalo’t nasa 3.2 milyong pasahero ang tiyak na maaapektuham kung pagbibigyan nila ang petisyon.