ONLINE LOVER IPINAKULONG

12-anyos nailigtas sa 34-anyos

By

Bulilyaso ang love affair ng isang 12-anyos na bata at 34-anyos nitong nobyo na nabuo sa online nang mabuking ng mga magulang ang masamang plano ng lalaki sa kanilang anak.

Kalaboso ang 34-anyos na lalaki matapos ipaaresto ng ama ng kanyang 12-anyos na nobya pagdaong ng sinasakyang barko, kahapon ng umaga sa Pier 4, sa North Harbor, Maynila.

Nasa kustodiya ng District Police Intelligence Operation Unit ng Manila Police District ang suspek na si Natha­niel Moncada Espia, na sinalubong mula sa Pier 4, North Harbor, sa Tondo na nagmula pa sa Talisay, Cebu at tubong Davao.

Nakatakda sanang makipagkita ang suspek sa biktimang itinago sa pangalang Chloe, Grade 7 at residente ng Singalong, Maynila nang arestuhin ng pulisya.

Nabatid na noong Ene­ro 26 nang makilala ng biktima ang suspek matapos makita sa Facebook ang friend request na in-accept naman ni Chloe. Simula noon na­ging madalas ang pag-uusap ng dalawa sa messenger at video call hanggang sa ligawan ng suspek ang biktima.

Inamin ng biktima na sinagot niya ang nagsa­bing 25-anyos at kalaunan ay inamin na siya ay 34-anyos na.

Napag-usapan umano nila ang halos lahat ng bagay sa kanilang pamilya at buhay hanggang sa tanggapin niya ang alok ng suspek na pag-aaralin siya kung magtutu­ngo sa Cebu.

Pinadalhan ang dala­gita ng pamasahe at nagtungo sa Pier 4 2GO para bumiyahe pero hinanapan siya ng guwardiya ng clearance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil menor-de-edad at walang kasamang magulang o kaanak kaya hindi natuloy ang biyahe.

Pag-uwi ay nabisto ng ina ang biktima na dala ang mga gamit kaya napilitang ipagtapat ng bata ang lahat.

Natuklasan din ng ama na hindi nagbayad ng matrikula ang biktima dahil ayaw na mag-aral nito simula noong Enero para sa Cebu na lang mag-aral.

Nang muling tumawag ang suspek ay ki­nausap ito ng ama ng biktima na tigilan ang anak pero makulit ang suspek hanggang sa kunin ang sim card ng anak at doon niya natuklasan pa ang mga pangungulit ng nob­yo sa anak.

Nitong Abril 9, 2017 ay bumili ng bagong sim card ang biktima at muli nakausap ng suspek na magkikita sa Maynila.

Bunsod nito ay dumulog sa pulisya ang ama at ipinagbigay-alam ang pangyayari kaya pagda­ting ng suspek sa Maynila ay inaresto ito.

Sasampahan ng reklamong paglabag sa Republic Act 9208 Section 4 (Trafficking in Person Act) in relation to RA 7610 (Child Abuse Act) ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office.