NLEX INIWAN NG BOLTS

By
1031

Kumaripas sa fourth quarter ang Meralco para iwan at tuluyang­ ibaon ang NLEX, 91-84, sa PBA Commissioner’s Cup sa Smart ­Araneta coliseum kagabi.

Kinuryente ng Bolts ang pangalawang panalo sa gayunding dami ng laro, nabaon naman sa 0-2 ang Road Warriors.

Kuntento si Meralco coach Norman Black sa depensa ng kanyang team kahit medyo relaxed pa sa first half, pati sa galaw ng ­import niyang si Alex Stepheson na nagbaba ng 24 rebounds panahog sa nilistang 18 points at three blocks.

“Second straight game we held a team below 86 points. Another good game for us,” suma ni Black. “Alex was moving a little bit better tonight. He controlled the defensive rebounds. The locals stepped up, they seem excited about our chances this conference.”

Sa bukana ng fourth quarter ay nagpakawala ng 19-4 run ang Meralco para pabukahin ang manipis na 69-67 lead sa pagsasara ng third quarter tungo sa 88-71, 5 ½ minutes sa laro. Mula roon ay hindi na naka-recover ang NLEX.

Tumapos si Jared Dillinger ng game-high 21 points para sa Bolts, may 15 si Chris Newsome, 13 kay Reynel Hugnatan at 12 si Baser Amer.

Lumamang ng hanggang 54-44 ang NLEX sa 3 ni Juami Tiongson 9:33 sa third.

Sa first game, magandang 42nd birthday gift ang tinanggap ni coach Caloy Garcia nang kumpletuhin ng kanyang Rain or Shine ang 99-95 overtime win laban sa Mahindra.

Kinubra rin ng defending champion Elasto Painters ang 2-0 card pero nangailangan pa ng extra five bago naipagpag ang makulit na Floodbuster (0-2). Kumayod ng double-double sina Shawn Taggart (29 points, 10 rebounds) at Beau Belga (12 at 10) para sa RoS.