Nanlabang killer tumimbuwang

By

Nasawi ang isang lalaking suspek sa pagpaslang sa isang ‘drug user’ nang tangkain nitong manlaban sa pulis na umaresto sa kanya sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni PO3 Aldeen Legaspi, imbestigador ng Manila Police District-homicide section ang suspek na si Justin Lopez, alyas ‘Tirek,’ 23, binata, miyembro ng Simple Minded Family, at residente ng 991 Interior 12, Morong Street, Tondo, na nasawi dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nabatid na si Lopez, ang itinuturong suspek sa pagpatay sa dating drug user na si Michael Turlao noong Mayo 14.

Dakong alas-6:35 ng gabi nang sinalakay ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng MPD-Station 7, sa pangunguna ni P/Senior Insp. Jojo Salanguit, ang riles sa Pilar Street, kanto ng Hermosa St. at doon sinunggaban ang suspek.

Gayunman, bigla umanong itinulak ng suspek ang pulis at saka tumakbo. Hinabol ito ng pulis ngunit nagpaputok kaya pinaputukan din siya hanggang sa tamaan at bumagsak.

Lalapitan sana ni Genal­ope ang suspek para dalhin sa ospital pero nagtangka itong mamaril muli kaya binaril na ito ng una na nagresulta sa kanyang pagkamatay.

Nakuha ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang kalibre .45, at isang plastic sachet ng shabu.