Naiitsapuwera ang local tourist

By

Kung lahat ng bagay ay bubuwisan, lalong hindi makaahon sa hirap ang mga mahihirap dahil ‘yung mga kaya lang nilang bilhin ang gustong buwisan ng mga taong inilagay nila sa Kongreso.

Hindi ko alam kung gaano na kalayo ang agwat ng mayayaman at mahihirap ngayong panahon na ito pero palagay ko masyado na malayo dahil payaman nang payaman ang mga mayayaman kung ang Forbes magazine ang pagbabasehan.

Ang karaniwang ipinapangako ng mga kandidato sa Kongreso tuwing eleksyon, ipagtanggol ang karapatan ng kanilang mga constituent, inaangat ang kanilang buhay at poproteksyunan sa anumang banta bukod d’yan ang pagbibigay ng trabaho.

Pero pagdating sa Kongreso, mayroong mga mambabatas na magpapanukala ng kung anu-anong buwis kahit alam nilang ang mga mahihirap ang masasaktan at mahihirapan.

Lagi na lang nilang sinasabi na kaya raw ginagawa ito ay para rin sa mga mahihirap dahil ang malilikom na buwis ay itutulong sa kanila para gumanda ang kanilang buhay.

Pero teka, hindi ba kung gusto mong tumulong eh hindi mo dapat unahin ang pagpapahirap? Kaya nga tulong eh! Kaso may ibang Congressmen na hindi naiisip ang kalagayan ng mga mahihirap. Kaya naman oh!

***

Hindi lang dapat umasa ang Department of Tou­rism (DOT) sa mga dayuhang turista sa kanilang programa at sa halip ay gumawa ng programa na para sa mga local tourist din.

Ilang milyon lang ba ang foreign tourist ang nagtutungo sa Pilipinas taun-taon? Hindi pa umaabot sa 25 million dahil ganito karami ang turistang pumupunta sa Thailand taun-taon at wala pa tayo sa kaling­kingan ng Thailand.

Walang programa ang DOT na kukumbinsi sa mga Pinoy na pasyalan ang mga tourist spot sa ating bansa pero kung makumbinsi nila ang sariling kababayan, malaking tulong ito sa sektor ng turismo.

Bakit mas gusto ng mga Pinoy na pumunta sa ibang bansa? Dahil sa mga promo, hindi lang sa eroplano kundi sa mga hotel bagay na hindi nila makuha sa sariling bayan.

Kung ano ang babayaran ng mga dayuhang turista sa Pilipinas, ‘yun din ang babayaran ng mga local tourist kaya ‘yung may kakayahan, sa ibang bansa na lang napunta dahil nakakamura pa sila kung tutuusin.

Mahirap mamasyal sa Pilipinas dahil masyadong mahal ang pasahe sa eroplano at maging sa mga hotel ay ga-langit ang taas ng presyo kaya papaano gaganahan ang mga local tourist.

Hindi ba puwedeng bigyan ng special price naman ang mga local tourist at kausapin ang mga airline companies na huwag naman masyadong taga ang pasahe nila at kausapin din ang mga hotel operators na magbigay ng discount sa mga Pinoy travellers?

Bakit hindi ito subukan ng DOT at lahat naman ng probinsya ay bigyan naman ng pagkakataon dahil mayroon mga probinsya ang hindi pinapansin ng ahensyang ito kaya kahit sa mga Pinoy maraming probinsya ang hindi nila kilala.

(dpa_btaguinod@yahoo.com)