Naghahanap ng paliwanag

By

Dear Kuya Rom,

Parehas kaming promdi, mula sa iisang probinsiya. Dito kami nagkakilala sa Manila, at naging magkapitbahay at magkaibigan.

Ang pagkakaroon ng isang masaya at maayos na pagkakaibigan ay mahalaga, lalo na kung ikaw ay estranghero sa isang lugar. Naranasan ng aming mga pamilya ito.

Pero biglang nagkasakit ang kanyang misis, walang nagawa ang mga doktor. Malaking kawalan sa kanya ang pagkamatay ng kanyang mahal na asawa.

Sinabi ko sa kanyang nandito lang kami ng aking pamilya, at kung anuman ang maitutulong namin ay nakahanda kaming tumulong. Maraming buwan ding natulungan namin ang pa­milya niya. Ako mismo ay nagdadala ng pagkain sa kanila.

Pero isang araw, biglang naging masama ang pagsasalita niya sa akin. Tinanong ko siya kung ano ang nagawa kong ikinagalit niya. Sabi niya, huwag na raw akong makialam sa pamilya niya. Sila raw ay nagdadalamhati at ako raw ay natutuwa pa ring kausapin sila. Itigil ko na raw ito.

Hindi naman nasira ang pagkakilala ko sa kanya. Para sa akin, maliit na bagay lang ang galit niya. Pero hindi ko lubos na maunawaan kung bakit kailangang masira ang pagkakaibigan dahil sa pagdadalamahati.

Ipinagbili niya ang bahay nila. Narinig ko mula sa pag-uusap ng mga anak niya na lilipat ang buong pa­milya sa probinsiya. Naisip kong may mga kamag-anak sila doon, at mas marami ang makakatulong sa kanila. Tahimik akong natuwa, alam kong mabuti ito sa kanila.

Nang papaalis na sila, hindi sila nagpaalam sa amin. Okay lang sa akin. Pero naiwan akong naghahanap ng paliwanag. Anong dahilan ang pagbabago ng pakikitungo sa akin ng kaibigan ko? — Willy

Dear Willy,

Mahirap bigyan ng paliwanag ang ganitong pangyayari hanggang ikaw mismo ang nakaranas nito. Walang pag­liwanag dito kundi pagdadalamhati. Ang pagdadalamhati ay may iba’t ibang anyo sa iba’t ibang tao.

Para sa kanya, malaking dagok ang pagkawala ng asawa niya sa kanya at sa kanyang mga anak.

Malaking kawalan ang biglang pagkawala ng asawa niya sa takbo ng buhay nila, lalo na kung nakakatulong ang pumanaw sa pinansiyal ng pangangailangan ng pamilya.

Marahil, sa kabila ng inyong pagkakaibigan, naiinggit siya kapag nakikita niyang buo at masaya ang iyong pamilya.

Ang pagtulong mo sa kanya bilang kaibigan ay pinahahalagahan niya, pero dahil ginagawa mo ito sa gitna ng kanyang pagdadalamhati, mahirap para sa kanya na makitang nagagawa mo ito araw-araw. Posibleng ayaw niyang maging pabigat siya sa iyo.

Masakit para sa iyo ang paraan ng pagsasalita niya sa iyo, pero ang totoo, hindi rin niya alam kung ano ang tamang paraan para sabihin niya sa iyo ang matinding kabigatang nadarama niya sa kanyang dibdib.

Hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa iyo na nasasaktan siya kapag nakikita niyang ang pamilya mo ay buo samatantalang ang pamilya niya ay hindi na buo.

Sa laki ng kawalan niya, sa tingin niya, parang nawala na ang kanyang buong buhay. Unawain mong maaa­ring ganito kabigat ang pagdadalamhati ng iyong kaibigan.

Ang pagpanaw ng isang kabiyak ay talagang masakit, lalo na kung nangyari ito panahong mga bata pa ang mag-asawa at kasalukuyang nagsasaya sa isang maligayang buhay.

Pero sa kabila nito, ang kabigan mo ay may ginawang magandang desisyon. Ipanalangin mong pagpapalain ang kanyang bagong buhay. God bless you!

Payong kapatid,

Kuya Rom