Nababawasan ang suporta

418

Isa na namang survey ang inilabas ng Social Weather Station (SWS) patungkol sa satisfaction rating ng administrasyong Duterte sa huling quarter ng 2016 pero kahapon lamang inilabas.

Sa kabuuan ay bumaba ng limang puntos (+61) ang sa­tisfaction rating ng Duterte admin kung ikukumpara sa da­ting (+66) noong third quarter.

Maliban sa pagdausdos ng limang puntos ay kapansin-pansin din ang pagbaba ng satisfaction rating ng Duterte admin sa Class D o ang mga tinatawag na­ting masa sa ating lipunan.

Bumagsak ng pitong puntos ang suporta ng masa sa administrasyong Duterte at naging +61.

Sa usapin naman ng pagresolba sa extrajudicial killings ng gobyerno ay umiskor ang Duterte admin ng good rating. Maging sa pagbibigay ng episyenteng transportasyon, paglaban sa korap­syon, laban sa terorismo at pagtiyak na walang magugutom na mahihirap ay good rating namang ang inani ng gobyerno.

Kung mababa sa mga nabanggit na isyu ay mas mababa ang ibinigay ng respondents sa isyu sa pag­laban sa inflation at pagbawi sa hidden wealth ng mga Marcos dahil moderate ratings lamang ang iskor.

Ang last quarter survey na ito ng SWS ay sumasalamin ng totoong pananaw ng mayorya ng mga Pinoy sa pamamahala ng gobyernong Duterte.

Kitang-kita sa resulta ng survey ang malaking pagbaba ng satisfaction rating na dapat hindi ipagwalang-bahala ng mga opisyal ng administrasyong Duterte lalo na ng Pa­ngulong Rodrigo Duterte dahil hindi malayong magpatuloy ito sa hinaharap.

Unang-una ito dahil hanggang sa ngayon ay hindi natutugunan ng pamahalaan na inakala noong kampanya na magsasalba sa bayan sa mga pangunahing problema ng bansa katulad ng kahirapan at kagutuman, bukod pa sa laganap pa rin ang katiwalian sa pamahalaan.

Alam naming kailangang tapusin ang problema sa iligal na droga na siyang ngayong pinakatututukan ng pamahalaan pero hindi dapat dito lamang nakatuon ang atensyon dahil mas marami pa sa apat na milyong sangkot sa iligal na droga na nais isalba ng pamahalaan ang bilang ng mga nagugutom at walang trabaho na mas nangangailangan ng ­kagyat na atensyon ng pamahalaan.

Hangad naming na sa pagpapatuloy ng administrasyong Duterte sa pamamahala sa bayan ay mabigyang pansin ang pangangaila­ngan ng lahat ng sektor at hindi ng iisa lamang, dahil ang lahat ay nangangailangan ng patas na pagtingin sa pamahalaan.


  • juan62

    Ang ugat mismo ng illegal drugs sa ating bansa ay ang kahirapan, kaya nagtutulak ng illegal drugs ang ibang mga Filipino ay dahil wala silang trabaho na pagkukunan ng ikabubuhay, sabi nga kapit na sa patalim kahit labag sa loob nila ang pagtutulak ay ginagawa nila dahil wala silang ipapakain sa pamilya nila. at isa pa rito ang corruptions.

  • frenz

    Sa tingin ko, kung pagtutuunan ng pansin at mabibigyan ng solusyon ang kahirapan, mas makakatulong ito sa pagbaba ng bilang ng sangkot sa illegal na droga. Kasi kung may trabaho ang mga tambay na pangkaraniwang nagiging biktima sa paggamit ng droga, siguro naman ay mas pipiliin nila ang kumita kesa sa tumambay. Hindi natin inaalis na meron mga taong pasaway talaga, pero sang-ayon na rin sa mga naririnig natin, kaya sila nasasadlak sa ganitong bisyo ay dahil…yon nga…wala silang trabaho at walang pinagkikitaan. So kung magkakaroon sila ng pinagkakaabalahan gaya nga ng pagpasok sa trabaho, siguro naman ay mas pipiliin nilang magtrabaho…