Mrs. Binay basted sa Sandiganbayan

By

Binasted ng Sandiganbayan ang kahilingan ni dating Makati City Mayor Elenita Binay na ipagpa­liban ang paglilitis sa kanyang kasong malversation of public funds sa katuwirang maghahain umano ito ng petition for certiorari sa Korte Suprema.

Sa resolusyong inilabas ng Sandiganbayan Third Division na sinulat ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang at kinatigan nina Associate Justices Sarah Jane Fernandez at Bernalito Fernandez, ibinasura ang ­urgent motion ni Mrs. Binay na ipagpaliban muna ang pagdinig sa kanyang kaso.

“Wherefore, the court denies accused Elenita S. Binay’s urgent motion to further defer proceedings dated April 4, 2017 for lack of merit,” ayon sa resolusyon ng Korte.

Sa mosyon ni Mrs. Binay, asawa ni dating Vice President Jejomar Binay, nais nito na ipagpaliban muna ang paglilitis sa kanyang kasong may kinalaman sa P21.7 milyong halaga ng furnitures na binili noong 2001 habang siya ay mayor ng lungsod.

Kinukuwestiyon ng akusado ang pagtanggi ng korte na i-raffle muli ang kanyang kasong malversation of funds through falsification of public docu­ments, na hawak ngayon ng Third Division.

Subalit, ayon sa reso­lusyon ng korte, wala pang naihahaing petition for certiorari si Binay sa Kataas-­taasang Hukuman­ at iginiit na hindi dapat ma-delay ang paglilitis hangga’t walang inilalabas na temporary restraining order (TRO) ang higher court.