Mother Lily, walang takot sumugal sa young stars

Sinon, lagare sa 3 pelikula

By

Hindi nagpaawat ang Regal Entertainment dahil kahit matindi ang ulan kahapon, kaagad silang nagbigay ng abiso na tuloy ang grand media launch ng pelikula nilang The Debutantes.

Akala namin, youth-oriented movie ang The Debutantes pero horror movie pala ito na tinatampukan nina Sue Ramirez, Miles Ocampo, Chanel Morales, Michelle Vito at Jane de Leon.

Napanood namin ang trailer ng pelikula and in fairness, may gulat factor ito.

Siyempre, masaya ang mag-inang Mother Lily at Roselle Monteverde sa pagpo-promote ng The Debutantes dahil katatapos lang ng Woke Up Like This movie nila na isang box-office hit.

Nang makatsikahan namin si Mother Lily, very positive siya na kikita rin ang The Debutantes at puring-puri niya ang young stars na mga bida sa pelikulang ito.
Sa ngayon, type ni Mother Lily na mamuhunan sa mga pelikulang ang mga bida ay young stars.

***

KAHIT bumabagyo at maraming showbiz works ang naapektuhan kahapon, live pa rin ang Eat Bulaga.

Ang JUAN FOR ALL, ALL FOR JUAN nila, nasa bandang Rizal.
Hiwalay kahapon sina Alden Richards at Maine Mendoza.

Hindi puwede ang binata sa barangay dahil may important meeting siya after Eat Bulaga.
Kung pupunta pa ng Rizal ay imposible na makasipot siya roon.

After ng Eat Bulaga, medyo baha na sa paligid ng Broadway Centrum.

Si Ruby Rodriguez, dumaan sa baha dahil binaha na sa lugar kung saan siya nag-parking.
Mabuti na lang at mataas ang sapatos na suot ni Ruby, kaya hindi siya masyadong nabasa.
Si Ruffa Gutierrez na sumalang sa JACKPOT EN POY segment ng Eat Bulaga kahapon ay panay ang check sa mga anak na sina Lorin at Venice.

Hindi suspended ang klase ng mga ito, pero maagang pinauwi.

Birthday kahapon ni Venice at 13 years old na ang bunso ni Ruffa, kaya in-allow na siya ng ina na magkaroon ng cellphone at gumawa ng sariling Instagram account.

***

Sinon Loresca
Sinon Loresca

Sa backstage ng Eat Bulaga ay nakatsikahan namin si Sinon Loresca.

Wala na pala muna siya sa afternoon series ng GMA 7 na Impostora.
Pero hindi siya tinanggal, huh?!

Nagpaalam muna siya.
“Tatlo kasi ang movies na ginagawa ko! Hindi ko na kakayanin!” sey ni Sinon.

Puwede siyang bumalik sa Impostora dahil hindi pinatay ang character niya.

“Welcome pa akong bumalik, kaya ang ginawa sa character ko sa Impostora, kunwari nagpunta ako sa Thailand.

“O, ‘di ba, so, kapag natapos na ako sa tatlong movies na ginagawa ko, balik-Impostora ako kaya hindi ako nawawalan ng raket!” natatawang sabi ni Sinon.

At dahil matindi ang ulan kahapon, plano ni Sinon na maligo sa ulan.

Noong bata siya, madalas niyang gawin ang maligo sa ulan kapag bumabagyo.