Abante Tonite Interactive

Morales tumodo sa Stage Seven

3

DAET, Camarines Norte — Kahit kalahati pa lang ang karera ay itinodo ni defending champion Jan Paul ­Morales ang lahat ng lakas para masungkit ang 227-kms Stage Seven ng LBC Ronda Pilipinas 2017 edition kahapon na nagsimula sa Pili at nagtapos dito sa harapan ng Kapitolyo.

Kumalas sa malaking grupo si 31-year-old ­Morales at kahit may sumunod sa kanya ay iniwanan din niya ito sa hu­ling 100 metro ng laban.

“Nalaspag din ako pero kundisyon naman ako kaya kahit may pitong stages pa, tingin ko tatagal ako,” saad ni Morales.

Umakyat na sa No. 3 si Morales matapos tawirin ang meta sa ­tiyempong anim na oras, ­siyam na minuto at apat na ­segundo.

Nakasabay sa 8-man lead group na tumawid­ ng finish line si overall leader Rudy Roque ng Navy kaya naman mananatili sa kanya ang LBC red jersey pag-arangkada ng Stage 8 183-kms road race ngayong araw.

“Mahihirapan sila (kalaban) kasi kundis­yon din si Rudy, (Roque),” ani Morales na hawak naman ang overall sa sprint.

Dumating na segundo si Kinetix Lab-Army Cris Joven habang sina Elmer Navarro ng Go for Gold at Ryan Serapio ng Team Ilocos Sur ay tumawid ng third at fourth.

Ang ibang nasa 8-man lead group na humakbang sa meta ay sina Ronnilan Quita ng Kinetix Lab-Army, (No. 5), Leonel ­Dimaano ng RC Cola/NCR, (No. 6), Roque, (No. 7) at Jemico Brioso­ ng Team Ilocos Sur, ­(No. 8).

Nasa second sa overall si Navy rider Ronald Lomotos sa event na ­nakalaan ang P1 ­milyong premyo sa magkakampeon mula sa LBC, MVP Sports Foundation, Petron, ­Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.

Sumampa naman sa fourth si Joven matapos malaglag sa 10th si Daniel Ven Carino ng Navy.