Mommy Guapa gusto nang bumalik sa Spain

By

HINDI pa alam ng nanay ni Isabel Granada na si Mommy Guapa ang mga susunod niyang plano ngayong na-cremate na ang labi ng anak niya.

Sa pakikipagtsika­han namin kay Mommy Guapa last Friday night, sinabi nitong plano niyang bumalik na lang ng Spain lalo at wala naman siyang kamag-anak dito sa Pilipinas.

Si Isabel na nag-­iisang anak niya ay yumao na, kaya wala na raw dahilan para manatili pa siya rito sa bansa.

Hindi ina­asahan ni Mommy na makapiling ng madalas ang nag-iisa niyang apo na si Hubert dahil nasa poder ito ng ama na si Jericho Aguas.

Nakatira si Mommy sa isang subdivision sa Rizal na naipundar nila ni Isabel noon.

Sinabihan na raw siya ng mga kapatid na bumalik na ng Spain dahil naroon lahat ng kanyang pamilya.

‘Yun nga lang ay mabigat talaga sa loob ni Mommy Guapa na lisanin ang Pili­pinas lalo at napamahal na sa kanya ang bansa.

Sabi pa nga niya, kapag uma­lis siya ng Pilipinas ay siguradong iiyak na naman siya nang husto gaya nung pag­luha niya nang mamatay si Isabel.

Isa lang ang ninanais ni Mommy Guapa, ang maipakilala ang apo sa mga kapatid niya sa Spain. Gusto niyang dalhin ang binatil­yo sa Spain lalo at hindi pa ito nakakarating doon.

Kuwento pa nga niya namatay ang kanyang ina na hindi man lamang nito nakita ng personal si Hubert. Pero kung sakali mang aalis si Mommy Guapa ng Pilipinas, gusto raw niyang bumalik uli dito.

Jericho takot na tangayin ni Mommy Guapa si Hubert

SAMANTALA, nag-comment si Jericho Aguas sa request ng ina ni Isabel tungkol sa kanyang anak at sa pagnanais nitong makarating ang apo sa Spain. Wala raw problema kung sasama si Jericho.

Matagal na raw nilang pinag-usapan ang posibilidad na maipakilala si Hubert sa mga kamag-anak ng lola niya sa Spain.

Hindi raw hahadlang si Jericho sa nais ni Mommy Guapa, pero kailangang sumama rin siya para makapamasyal din.

Kahit hindi sabihin ni Jericho, natatakot din siyang baka hindi na maibalik sa kanya ang anak kung aalis itong mag-isa kasama ng kanyang lola.

***

TUNGKOL naman sa anak ni Isabel, gusto rin pala nitong pumasok ng showbiz. Sabi sa amin ng binatilyo, gusto raw niyang ipagpatuloy ang legacy ng ina niya sa pamamagitan ng pag-aartista.

Kung magkakaroon daw ito ng chance, tatanggapin talaga niya ang pag-arte.

Pasableng maging aktor ang anak ni Isabel dahil guwapo nga ito. ‘Yun nga lang, hindi marahil papayag si Jericho na gamitin ng anak niya ang apel­yido ni Isabel lalo at sa pangalan niya nakasunod ang name ni Hubert.