Mga anak ni Bistek, umaariba

Kylie, target ni Victor

By
1492

HAVEY: Isang fulfilled dad ang aura ni QC Ma­yor Herbert Bautista lalo pa’t masaya at malusog ang kanyang mga anak na nag-aaral at patuloy na nagpapakahusay sa kani-kanyang larangan.

Sa mga anak niya kay Eloisa Matias, guitar prodigy sa UP College of Music ang panganay na si Cray samantalang multi-awarded filmmaker si Race.

Bumalik na si Race sa New York para tapusin ang kanyang filmmaking course sa New York University. Pagkatapos ay kukuha rin siya ng isang kurso sa acting.

Ang kanyang short film na Like Father Like Son ay patuloy na umaani ng parangal para sa batang direktor pero isang panibagong pelikula ang naka-set niyang gawin as his thesis project na gusto niyang i-shoot dito sa Pilipinas.

Saksi ako kung paano namangha ang taga-CNN Philippines sa short film ni Race at kung paano siya tinangkang habulin ng iba’t ibang produksyon.

Pero naka-focus siya sa pag-aaral kaya nakapila muna ang showbiz offers hanggang sa bakasyon niya sa Mayo at puwede siyang tumodo pagkakuha na niya ng diploma.

Kay Tates Gana, nandiyan ang charming na si Athena na nag-aaral sa Ateneo.

Hindi biro ang makapasa sa unibersidad, pero ang mas matinding hamon ay ang ma-maintain ang maayos na academic standing.

Si Harvey naman ay introducing sa pelikulang Ilawod kasama sina Iza Calzado, Ian Veneracion, Teri Malvar at Epy Quizon.

Mapapanood ang Ilawod ngayong January 18 at excited akong makita ang kabuuan ng pelikula na sa script pa lang ay nakakakilabot at nakakatakot na!

Ang saya lang ma­kita si Mayor Herbert na suportado ang mga anak sa kani-kanyang hilig.

Ang birong tanong namin sa kanya, kumusta ang mga ina ng mga anak niya, OK rin ba?

Ang sagot ni Bistek ay, “Basta ako, OK sa kanila at sa mga anak ko, sila lang naman ang hindi OK,” sabay tawa.

Siyempre, dahil mahal namin si Mayor, hindi na namin itinanong sa kanya si Kris Aquino dahil wala naman daw sila talaga.

***

WALEY: Maganda ang pasok ng 2017 kay Victor Neri.

Naisali ang Kabisera sa MMFF at hindi niya makalimutan ang mga eksena niya with Ate Guy.

“Kokonti lang ‘yun pero matitindi at siya talaga lagi ang kasama ko. Ibang klase ang presence at pagka-committed niya as an artist. Solid!” sabi ni Victor.

Sa March, ilalabas na ang Tatlong Bibe at meron siyang espesyal na role doon kaya nag enjoy din siya sa shooting.

Very soon, magsisimula na siya ng pelikula with Anne Curtis na Buy Bust under Erik Matti.

Excited siya rito dahil action film ito na forte niya.

Then he is also about to start a film which is tentatively entitled Grabbed under Dave Hukom na pure action.

Nang tanungin siya kung sino ang mga gusto niyang makasama, nakinig lang ang producers ng pelikula.

Victor named Kim Chiu, Julia Montes, Liza Soberano and even Heart Evangelista.

For the role in this particular movie, nagtugma ang gusto ni Victor at ng producers na si Kylie Padilla ang alukin ng na­turang project.

Anak pa ng action king Robin Padilla, magandang makita sa screen ang chemistry ng mga taong lumaki sa pelikulang aksyon!

Sana, matuloy ito at hindi lang drawing.

Sana rin, pumayag ang kasintahan ni Kylie na si Aljur.

Siguro naman!