Metrowide shake drill

By

Nairaos na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang apat na araw ng ­“Metrowide shake drill”.

Ang magkakasunod na drill ay ipinatupad upang magkaroon ang publiko ng sapat na kamalayan sa mga sakunang posibleng kaharapin ng bansa at mamonitor na rin ang magiging galaw ng mga pribadong sektor sakaling mangyari ang kinatatakutang ‘The Big One’.

Ang mga senaryo na isinagawa sa gitna ng drill ay upang maobserbahan kung papaano magre-react ang gobyerno sa mga electric shutdown, traffic, mga sugatang residente, at mga road obstructions.

Si MMDA General Manager Tim Orbos, da­ting officer-in-charge ng MMDA ang nagmungkahi ng shake drill para makasali ang iba’t ibang kalapit na lungsod.

Saludo tayo sa makabuluhang programang ito ng MMDA na bagama’t maraming inabala ay marami naman tayong natutunan na maaari nating isabuhay.

Alam nating mahirap dumating ang ganitong pagkakataon dahil talagang hindi mo alam ang iyong gagawin pero kung may ganitong mga aktibidades ay matututo tayong magprepara at malaman ang prayoridad.

Kaya anuman ang ating natutunan sa nasabing shake drill ay ibahagi natin sa ating mga kasambahay upang hindi lang tayo ang handa kundi ang lahat ng nasa ating paligid.

***

Mas mabuti ring ga­wing regular ng mga ­eskwelahan ang pagdaraos ng shake drill dahil mala­king tulong ang magagawa ng mga mag-aaral sa ganitong pagkakataon.

Mahalagang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga estudyante sa ganitong mga sitwasyon dahil ang mga ito ang kadalasang nasa matataong lugar kaya sila ang higit na nanga­ngailangan ng sapat na kaalaman kung papaano masisiguro ang kaligtasan sa ganitong mga pagkakataon.

Kaya anumang ating natutunan sa mga ganitong klaseng drill ay mangya­ring ibahagi natin sa ating kapwa upang hindi lang tayo ang preparado kundi tayong lahat.

At dahil preparado ta­yong lahat, mas malaki ang tsansang magiging mabilis ang ating pagkilos o pagtugon sa sitwasyon.