May pagkukulang ang LTO sa enforcement

By
229

Sang-ayon ako sa obserbasyon ng dating LTFRB Board Member na si Atty. Ariel Inton na maraming driver ang hindi sapat ang kaalaman sa pagmamaneho pero nakakakuha ng driver’s license.

Kontrobersyal ang pahayag ni Sen. Tito Sotto na mahigit sa kalahati ng mga drivers na Pinoy ay ‘stupid’. Maa­ring walang data si Sen. Sotto para patunayan ang kanyang sinabi pero para sa isang motorista na ordinaryo nang nasa lansangan kada araw ay maaring paboran ang pahayag ng Senador.

Ang pagiging istupido marahil ay mahirap na gawing bata­yan nang hindi pagbibi­gay approval na mabigyan ng lisensya pero ng kakulangan sa kaalaman sa tama at ligtas na pagmamaneho ay masusukat ng LTO kung mahigpit lamang ito sa driving examinations ng mga nag-a-apply ng lisensya.

Mag-uumpisa ang isang aplikante sa student driver’s license. Ibig sabihin ay kukuha muna ng lisensya para makapag-aral magmaneho. Pero ang tanong ay kung nag-aaral ba ta­laga magmaneho?

Namo-monitor kaya ng LTO ang pag-aaral ng lahat ng kumukuha ng student’s license.

May binibigay ba sa mga nag-aaral ng pagmamaneho na course outline na dapat sundin para sa tamang pagmamaneho o may minimum actual driving lesson hours ba? Ang sagot sa lahat nang ito ay wala.

Mismo sa LTO, wala rin nagle-lecture man lang sa mga kumukuha ng student’s license.

Samantalang pagkatapos nito ay kukuha na ng non-pro o kahit pro dahil na may student dri­ver’s license na nga.

Dapat maging mahigpit ang mga awtoridad na may responsi­bilidad na magbigay ng driver’s license. Sa student driver’s license pa lang, dapat mahigpit na ang polisiya.

Ang lisensya sa pagmamaneho ay makapangyarihan dahil nagpapahintulot ito sa kahit sino na mag-drive sa ating mga lansangan ay mahalaga sa kaligtasan at kaayusan na ito ay maayos na ma-regulate.

May exams reviewer naman ang LTO na nasa online at maganda na mabasa ito ng lahat nang driver at lahat na gusto magkaroon ng driver’s license lalo ang baguhan.

Ang pinaka-matindi sa lahat ay ang mahigpit na enforcement ng batas kapag nasa kalye na ang mga driver. Dito kulang na kulang ang LTO.

Kung walang mahigpit na pagpapatupad, lahat ng natutuhan ng nagmamaheno ay mababale-wala dahil nasanay na silang isipin na ‘tama ang mali’.