Matuto sa mga puna


Umalma ang Malacañang sa ulat ng 2017 Travel and Tourism Competitiveness Report ng World Economic Forum (WEF) na pang-11 ang Pilipinas sa ‘most dangerous country’ para sa mga turista.

Depensa ng Malacañang, taliwas sa WEF report ang tourism businesses aniya ang lantad sa ‘security risks.’

Katunayan ay patuloy umano ang pagdami ng foreign tourists na bumibisita sa bansa at sa loob lamang ng unang tatlong buwan ng 2017 ay mahigit 1.78 million ang pumasok na turista sa Pilipinas.

Ang nasabing record ay mataas dahil wala pa umanong isang taon ang Duterte administration ay marami nang naikasang ‘tourism deals’ ang Pilipinas sa China, Cambodia, Thailand at Turkey.

Sa mga kritiko katulad ng ulat ng WEF hindi umano ito binibigyan ng pansin ng gobyerno dahil nakatutok ang pamahalaan sa pagpapalakas ng turismo sa bansa.

Napakapositibo ng gobyernong Duterte sa usaping ito at maaring ito ay dahil sa pagpupursigeng kanilang ginagawa para mapalakas ang turismo ng ating bansa.

May record ang DOT ng mataas na tourist arrival, ibig sabihin may basehan ang argumento ng Malacañang pero ang sa amin, hindi ang daming bisita o turista ang isyu rito kundi ang usapin ng pagkakasama ng Pilipinas bilang isa sa mapanganib na bansa para sa mga turista.

Ang sa amin sa halip na kontrahin ang report ay tanggapin ito ng maluwag at gumawa ng karampatang paraan para mabura tayo sa talaan.

Naniniwala kaming hindi na kailangan pang paigtingin ang kampanya sa ating turismo kung masisiguro ang peace and order sa ating bansa dahil mismong ang mga turista na ang dadayo sa ating bansa.