Mas magandang kinabukasan ang naghihintay sa PNP

By

Napakapositibo ang pananaw ng ilang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Bagama’t nangi­babaw ang nagsa­bing tumaas ang kanilang moral dahil sa tuluy-tuloy na paglilinis na ginagawa ng pamunuan ng PNP sa kanilang hanay ay nangingibabaw pa rin ang pakialam ng mga miyembro ng PNP sa kanilang benepisyo, sa kanilang buwanang sahod.

Sa ating naging panayam kay PO2 Edward Rojo, 47-anyos, tubong Botolan, Zambales at nakatalaga sa Police Security and Protection Group (PSPG), malaki ang nakikita niyang pag-asa na gaganda ang kinabuka­san ng mga pulis sa pa­nahon ni Pangulong ­Rodrigo Duterte.

Nang tanungin kung ano ang nakikita niyang­ pagbabago sa kanilang mga pulis, ang naging tugon nito ay “‘yung pananaw na gaganda pa ang kinabukasan ng mga pulis.”

Sa kabuuan ay mara­ming pagbabago aniya ang nangyari sa kapulisan sa halos sampung buwan pa lamang sa puwesto ni Pangulong Duterte.

BUMALIK ANG DISIPLINA

Pangunahin aniya ay ang disiplina. Nagbalik ani PO2 Rojo ang disiplina sa hanay ng mga pulis.

Dahil naging disiplinado ay marami na ang tumino.

“Unlike noon ‘di mo alam kung sino ang kalaban sa loob ng organization,” pagkokomento ni PO2 Rojo.

Gayunman ay hindi pa rin talaga mawawala ang mga pasaway.

GRUPO PARA SA CLEANSING

“Pero limited na lang …case to case basis. At madali na ngayon­ ma-trace ang mga tiwali. Meron kasi binuo na grupo para sa clean­sing,” pagbabahagi pa ni PO2 Rojo sa ilang pagbabago sa kanilang hanay.

Ang binuong grupo ng PNP para tumutok sa mga tiwaling tauhan at opisyal ng PNP ay ang tinatawag na counter intelligence unit ng PNP.

Ayon kay PO2 Rojo marami-rami na ring mga pulis ang nahuli na gu­magawa ng kalokohan.

EXCITED NA SA DOBLADONG SAHOD

Kakawing ng paglilinis ng PNP ay isa ring nagpapasigla sa pagtupad sa tungkulin ng mga pulis ay ang ipi­nangakong dagdag sahod na kung tawagin sa kanilang hanay ay ‘dobladong sahod.’

Pero para kay PO3 Guldamir Ulangutan ng Quezon City Police–Traffic Sector hindi balakid sa kanya bilang pulis kung hindi pa man nadagdagan ang kanilang sweldo tulad ng unang naipa­ngako sa PNP ni Pa­ngulong Duterte.

“Tungkol sa dag­dag sahod, sa ngayon wala pa naman po dag­dag sa sahod namin, ngunit patuloy pa rin po kaming umaasa na sana maipatupad ang ipina­ngako ng a­ting mahal na Pa­ngulong Duterte” ayon kay PO3 Ulangutan.

Sinabi pa ni PO3 Ula­ngutan na hindi naman hadlang sa kanyang trabaho bilang pulis ang hindi pa natutupad na dag­dag sweldo nila dahil ang mahalaga ay patuloy siyang makapaglingkod sa mamamayan dahil ito ang tungkulin na kanyang sinumpaan.

PO3 Guldamer Ulangutan
PO3 Guldamir Ulangutan

Mataas din ang moral ni PO3 Ulangutan, dahil sa suportang ipinapakita­ sa kanila ni Pangulong Duterte lalo na umano sa kanilang mga pulis na ginagawa ng tama ang kanilang trabaho.

“Okay naman po, lalo na basta nasa tama kami pinagtatanggol ng mahal na Pangulong Duterte,” ayon pa kay PO3 Ula­ngutan.

Bukod pa kay Pangulong Duterte ay labis din ang pasasalamat ni Ula­ngutan sa kanyang mga opisyal dahil sa ipinakikitang suporta sa kanilang trabaho kaya’t hindi rin daw masyadong nagi­ging hadlang kung hindi pa man naipapatupad ang kanilang dagdag sweldo.

“Pagdating naman po sa trabaho maraming salamat sa aming District Director na si QCPD Police Chief Supt. Guillermo Eleazar, National­ Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde at PNP Chief Director Ro­nald dela Rosa sa kanilang maayos na pamumuno upang maibalik ang tiwala­ ng taumbayan,” ayon pa kay Ulangutan.

COMBAT PAY PINAKIKINABANGAN NA!

Kung waiting pa sa dobladong sahod, napapakinabangan na ayon kay PO2 Rojo ang naunang ipinangakong combat allowance ng Pangulo.

“Sa benefits meron na kaming combat pay na nadagdag na P3,000 monthly,” dagdag na kwento pa ni PO2 Rojo

AMING HAMON SA PNP

Tunay ngang tumaas ang moral ng PNP sa administrasyong Duterte dahil sa suporta at pagtatanggol na ginagawa ni Pangulong Duterte sa kanilang hanay.

Ang aming panawagan, ipakita rin sana ng bawat miyembro ng PNP na deserving ang mga ito sa kapangyarihang ibinibigay gayundin sa benepisyong tinatamasa at matatanggap pa sa hinaharap upang hindi lamang ang kanilang hanay ang makakita ng pagbabago kundi mismong ang sambayanang Filipino.